4,312 total views
Hinangaan ng kinatawan ng Santo Papa Francisco sa Pilipinas ang mga halimbawa ni Servant of God, Chiara Lubich.
Ayon kay Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown masigasig ang tagapagtatag ng Focolare Movement sa pagmimisyon lalo na sa pagsusulong ng diyalogo sa pamayanan sa kabila ng pagkakaiba ng pananampalataya, tradisyon at kulturang kinabibilangan ng mamamayan.
Tinuran ng nuncio ang gawain ni Lubich sa lipunan kung saan isinasabuhay ang dakilang pag-ibig ng Panginoon sa bawat taong nakakasalamuha.
“Being the first one to love is the Divine response, the divine method of dialogue,” ani Archbishop Brown.
Pinangunahan ng nuncio ang misa pasasalamat sa paggunita ng ika – 25 anibersaryo ng paggawad ng Doctorate -Honoris Causa – Sacred Theology kay Lubich ng Pontifical and Royal University of Santo Tomas nitong March 12, 2023 na ginanap sa UST Medicine Auditorium.
Ito rin ang simula ng year-long celebration sa ikawalong dekadang pagkatatag ng Focolare Movement kung saan tema sa pagdiriwang ang “Chiara: Apostle of Dialogue,” bilang paggunita rin sa ika – 15 anibersaryo ng kamatayan ng lingkod ng simbahan.
1997 nang napagkasunduan ng CBCP ang paggawad ng honoris causa kay Lubich bilang pagkilala sa gawaing nagpapalaganap ng karisma ng pag-ibig at pagkakaisa tungo sa nagbubuklod na lipunan.
Bukod tanging si Lubich lamang ang laykong ginawaran ng pagkilala sa kasaysayan ng UST.
Kabilang sa mga nagbahagi ng mensahe sa pagtitipon si CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David kung saan kinilala si Lubich bilang nangunguna sa pagpatupad ng kahalintulad ng gawaing synodality ni Pope Francis.
Gayundin si UST Rector Very Rev. Fr. Richard Ang, O.P., former UST Rector Fr. Rolando de la Rosa, O.P. – ang naggawad ng pagkilala kay Lubich; at si Focolare Movement President Margaret Karram.
Dumalo rin sa pagdiriwang ang iba’t ibang christian ecuminical groups na kabilang sa tinututukan ng programa ng Focolare Movement.