310 total views
Mga Kapanalig, taong 2019 noon at nagsisilbi pang kongresista ng Cavite si DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla nang ihatintulad niya sa mga ipis ang mga taong sangkot sa ipinagbabawal na gamot, partikular na ang mga drug lords. Para daw silang mga ipis na hindi maubus-ubos. Kaya’t upang matapos na ang paghahasik nila ng lagim sa lipunan, iminungkahi niya ang pagbabalik ng parusang kamatayan o death penalty.
Ibinabalik ngayon ng ilan ang mga salitang ito kay Secretary Remulla matapos mahulihan kamakailan ng mahigit isang milyong pisong halaga ng high-grade marijuana ang kanyang panganay na anak. Mahigit isang linggo na ang nakalilipas nang mahuli ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (o PDEA) ang 38-taong-ulang na si Juanito Jose Diaz Remulla III. Tila ba mapagbiro ang mga pangyayari dahil naganap ang paghuli sa nakababatang Remulla habang nasa Switzerland ang kanyang ama upang ipagtanggol sa United Nations Human Rights Council ang war on drugs ng administrasyong Duterte.
Nakita naman natin kung gaano karahas ang kampanya laban sa iligal na droga at kung paano nito isinantabi ang karapatang pantao ng mga kababayan nating pinaghihinalaan lamang na gumagamit ng droga. Sa datos na ipinasa sa International Criminal Court, sinasabing nasa pagitan ng 12,000 at 30,000 ang namatay sa unang tatlong taon ng kampanya. Kabilang dito ang mga napatay (o pinatay) ng mga pulis dahil nanlaban umano. Marami rin ang mga pinatay ng vigilante na sinasabing may kaugnayan din sa awtoridad. At malalim din ang sugat na iniwan sa mga pamilya ng mga hinuli at ikinulong nang hindi sa kaparaanan ng batas. Libu-libo ang nagtitiis hanggang ngayon sa siksikang mga kulungan dahil hindi umuusad ang mga kasong isinampa sa kanila.
Lahat ng ito, masuwerteng hindi naranasan ng anak ni Justice Secretary Remulla.
Walang dapat naghahangad na maranasan ng sinuman ang sinapit ng mga kababayan nating pinagkaitan ng karapatang maipagtanggol ang kanilang sarili. Walang dapat may gustong magdusa ang mga pamilya ng mga nagkakasala sa batas. Walang pagpapakatao sa pagsingil sa buhay ng kanilang kapwa bilang paraan ng paghihiganti.
Kaya naman, maging aral sana ang nangyaring ito sa kalihim ng DOJ sa atin—lalo na sa ating mga lider—na karahasan at kalupitan ang laging nakikitang solusyon sa mga problemang kinakaharap natin. Nalulungkot tayo sa nangyari sa pamilya ng isa sa mga masugid na nagtutulak ng war on drugs at death penalty, ngunit sana ay maging wake-up call, ‘ika nga, ang pangyayaring ito upang tunay na kilalanin ng mga nasa pamahalaan ang dignidad ng buhay ng tao, kahit ang buhay ng mga nagkakasala sa batas. Nawa’y gamitin ng mga nasa gobyerno ang kanilang posisyon upang isulong ang pagbabagong-buhay ng mga nasasangkot sa krimen, hindi ang pagpapahiya, pagpapahirap, o pagpatay sa kanila. At higit sa lahat, bilang mga tagapagtaguyod ng kapakanan ng lahat ng mamamayan, tiyakin sana nilang ang batas ay patas sa lahat, anuman ang katayuan nila sa buhay o antas sa lipunan.
Kung hindi man bumitiw sa puwesto si Secretary Remulla, gaya ng ipinapanawagan ng ilan, samantalahin sana niya ang pagkakataong ito—masakit man para sa kanya at sa kanyang pamilya—upang maging tunay na kampeon ng katarungan. Gamitin niya ang kanyang katungkulan upang panagutin ang mga nasa likod ng mga pagpatay sa ngalan ng madugong war on drugs. Pabilisin niya ang pagdinig sa mga kaso ng mga nakakulong at nawalay sa kanilang pamilya. Kalingain niya ang mga naulilang pamilya at mga nakasaksi ng karahasan. Wika nga sa Isaias 1:17, “pairalin ang katarungan; tulungan ang naaapi; ipagtanggol ang mga ulila, at tulungan ang mga biyuda.”
Mga Kapanalig, ito ang mas malaking hamon ngayon sa ating justice secretary.
Sumainyo ang katotohanan.