106,409 total views
Ang climate change o pagbabago ng klima ay biggest challenge ng mundo ngayon. Ang Pilipinas ang isa sa pinakabulnerable dito. Ang epekto nito ay lubhang nararamdaman at nagdudulot ng malaking pagbabago sa ating kalikasan, kabuhayan, at pang-araw-araw na buhay. Dahil arkipelago ang ating bayan, lubhang bulnerable ito sa pagtaas ng temperatura, pagbabago sa pattern ng pag-ulan, at mas madalas at mas matinding bagyo.
Ang pagtaas ng temperatura ay nagdudulot ng iba’t ibang problema tulad ng matinding tagtuyot na sumisira sa mga pananim at nagiging sanhi ng kakulangan sa tubig. Hindi nga ba’t naranasan natin ang isa sa mga pinakamatinding heatwave sa kasaysayan ng bansa? Ang pagbabago naman sa pattern ng pag-ulan ay nagdudulot ng mas madalas at matitinding pagbaha, na sumisira sa mga tahanan at imprastruktura. May mga thunderstorms ngayon sa ating bayan na nagdadala ng napakalaking volume ng ulan lalo na sa mga syudad. Bukod pa rito, ang pagtaas ng antas ng dagat ay nagbabanta sa mga baybaying komunidad at nagdudulot ng pagkasira ng mga bakawan at coral reefs na mahalaga sa ating ekosistema.
Ang mga bagyo ay isa pang malalang epekto ng climate change. Taun-taon, ang Pilipinas ay tinatamaan ng maraming bagyo, at ang mga ito ay nagiging mas malalakas at mas mapanira dahil sa climate change. Ang mga bagyo tulad ng Yolanda (Haiyan) noong 2013 ay nagdulot ng napakalaking pinsala sa buhay at ari-arian.
Upang harapin ang mga hamon ng climate change, kinakailangan ang sama-samang pagkilos ng pamahalaan, pribadong sektor, at ng bawat mamamayan. Ilan sa ating maaaring gawin ay magtanim ng puno at pangangalagaan ang kagubatan: Ang pagtatanim ng puno ay isang mabisang paraan upang mapababa ang konsentrasyon ng carbon dioxide sa atmospera. Ang mga puno ay tumutulong din sa pag-iwas sa pagbaha at pagguho ng lupa.
Maaari rin tayong magtataguyod ng merkado para sa renewable energy. Ang paggamit ng mga renewable energy sources tulad ng solar, wind, at hydropower ay babawas sa ating dependence sa krudo o fossils na pangunahing sanhi ng greenhouse gas emissions. Sabay dito, maaari nating isulong ang mga sustainable practices sa agrikultura, pangingisda, at iba pang industriya. Mahalaga ito upang maprotektahan at mapanatili ang ating mga likas na yaman.
Dapat din nating itaas pa ang awareness o kamalayan sa climate change sa ating bayan. Magagawa natin ito sa pamamagitan ng edukasyon at kampanya upang mas marami ang makaalam at makilahok sa mga hakbangin para labanan ito. Ang paghahanda sa mga sakuna ay kasama dito. Ang pagkakaroon ng maayos na disaster preparedness plan ay mahalaga upang mabawasan ang pinsalang dulot ng mga sakuna. Kasama dito ang timely warning system, evacuation plans, at sapat na relief goods.
Ang climate change ay isang napakalaking hamon na kinakaharap ng ating bansa, ngunit hindi tayo dapat panghinaan ng loob. Sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at pag-aambag ng bawat isa, maaari nating harapin at malampasan ang mga pagsubok na dulot ng climate change. Ang pangangalaga sa ating kapaligiran at likas na yaman ay hindi lamang tungkulin ng iilang tao kundi ng bawat mamamayan. Sa pamamagitan ng tamang kaalaman, disiplina, at pakikipagtulungan, makakamit natin ang isang ligtas at matatag na kinabukasan para sa ating bansa at sa susunod na henerasyon.
Sabi sa Global Climate Change: A Plea for Dialogue, Prudence, and the Common Good: True stewardship requires changes in human actions—both in moral behavior and technical advancement… A renewed sense of sacrifice and restraint could make an essential contribution to addressing global climate change.
Sumainyo ang Katotohanan.