94,053 total views
Bilang arkipelago, tayo ay napapaligiran ng mga katubigan. Ang ating mga dalampasigan ay hindi lamang nagtataglay ng likas na kagandahan, nagsisilbi ring silang pangunahing kabuhayan ng maraming komunidad. Ang mga baybaying komunidad ay umaasa sa karagatan para sa kanilang ikinabubuhay, mula sa pangingisda, pag-aalaga ng mga yamang-dagat, hanggang sa turismo. Subalit, ang kanilang kabuhayan ay nahaharap sa mga hamon na dala ng pagbabago ng klima, polusyon, at iba pang suliraning pangkapaligiran.
Ang pangingisda ay isa sa mga pangunahing hanapbuhay sa mga dalampasigan. Malawak ang ating mga karagatang pinagkukunan ng mga isda at iba pang lamang-dagat. Ang pangingisda ay isa sa mga pinakamatandang kabuhayan sa bansa at patuloy na nagbibigay ng pagkain at kita sa milyun-milyong Pilipino. Bukod sa maliliit na mangingisda, mayroon ding mga malalaking industriya na umaasa sa pangingisda para sa komersyal na kalakalan.
Ang kabuhayan ng mga mangingisda ay patuloy na hinahamon ng overfishing o sobrang pangingisda, na nagdudulot ng pagbaba ng bilang ng mga isda sa karagatan. Ang labis na paggamit ng mga modernong teknolohiya sa pangingisda, tulad ng mga malalaking lambat, ay nagiging sanhi ng mabilisang pagkaubos ng mga yamang-dagat. Dagdag pa rito ang polusyon, tulad ng pagtatapon ng basura at kemikal sa mga ilog at dagat, na nagpapalala sa pagkasira ng marine ecosystem.
Bukod sa pangingisda, ang turismo ay isa pang mahalagang bahagi ng kabuhayan sa mga dalampasigan. Ang Pilipinas ay kilala sa mga magagandang beach at diving spots, na dinarayo ng mga turista mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ang mga resort, hotel, at mga negosyo na may kaugnayan sa turismo ay nagbibigay ng trabaho at kita sa marami nating mga kababayan. Pero, kapanalig, ang ganitong negosyo ay may dala ring negatibong epekto, na nakikita naman natin sa ilang mga beaches ngayon. Ang overdevelopment ng mga baybaying lugar, kasama ang pagtatayo ng mga imprastraktura na sumisira sa natural na tanawin at ekosistema, ay isang malaking banta sa kalikasan. Ang pagkakaroon ng masyadong maraming turista ay maaari ring magdulot ng polusyon at labis na paggamit ng likas na yaman, na sa huli ay nakakaapekto sa kabuhayan ng mga komunidad.
Kapanalig, kailangang mapanatili at mapalakas pa natin ang kabuhayan sa dalampasigan. Karamihan sa mga nakatira roon ay mga maralitang mangingisda, na nasa 30% ang poverty incidence. Isang paraan ay ang pagpapalawak ng kaalaman sa sustainable fishing practices at marine conservation upang maprotektahan ang mga yamang-dagat at tiyakin ang pangmatagalang kabuhayan ng mga mangingisda. Ang pagtataguyod ng marine protected areas (MPAs) ay isa ring estratehiya na napatunayang epektibo sa pagtaas ng bilang ng mga isda at pagbabalik ng mga nasirang coral reefs.
Ang paglinang sa ekoturismo, o ang turismo na nakatuon sa pangangalaga ng kalikasan, ay isa ring mahalagang hakbang. Sa pamamagitan ng ekoturismo, maaaring mapanatili ang likas na kagandahan ng mga dalampasigan habang nagbibigay ng kita sa mga lokal na komunidad. Ang mga gawain gaya ng guided tours, snorkeling, at bird watching ay hindi lamang nagbibigay-kita kundi nagiging daan din upang mapalawak ang kamalayan ng mga tao sa kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan.
Sa dalampasigan, kapanalig, ang kabuhayan at buhay ng mga mamamayan ay nakahabi. Ang pagkasira ng isa, ang pagkasira na rin ng lahat. Payo nga ng Laudato Si: The human environment and the natural environment deteriorate together… The impact of present imbalances is also seen in the premature death of many of the poor. Ang pagpapahalaga sa kalikasan ay susi upang ang mga dalampasigan ay patuloy na maging pinagkukunan ng buhay at kabuhayan ng ating mga kababayan.
Sumainyo ang Katotohanan.