183 total views
Kinilala ng Simbahang Katolika ang husay ng mga Filipinong pasado sa kalalabas na Bar exam result.
Ayon kay Veritasan anchor Rev. Fr. Jerome Secillano, Executive Secretary ng CBCP Permanent Committee on Public Affairs, nararapat na papurihan ang mga napagtagumpayan ng mga pumasa sa bar exam.
Subalit sa kabila nito hamon ng Simbahan sa mga bagong abogado na pairalin ang mga itinakda sa batas at hindi ang mga itinatakda lamang ng mga may kapangyarihan sa lipunan.
“Ang mga abogado natin na kapapasa lang ay dapat na papurihan, dahil sa pagpasa nila, napakahirap ng bar exam, pero ito naman ang hamon sa kanila, yung tinatawag nating rule of law, sana bilang mga bagong abogado yun ang kanilang pananaigin at hindi yung rule of men,” pahayag ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.
Umaasa si Fr. Secillano na mananaig ang pagiging balanse ng mga abogado at pairalin ang batas na nasasaad sa Konstitusyon at hindi basta pumapanig sa mga nasa katungkulan kahit na may mga matataas ang posisyon ang sangkot sa mga imbestigasyon.
Ito ay upang maiwasan ng mga bagong abogado ang pamimili kung sino ang karapat dapat na ipaglaban alinsunod sa mga batas ng bansa.
Bukod dito, hamon din sa mga 2018 Bar Exam Passers na gamitin ang propesyon ng abogasya sa pagtatanggol ng karapatan ng mamamayan lalo na ang mga maliliit at walang boses sa lipunan.
“Pangalawa make law of the service of men, so hindi ito ginagawa para sikilin mo ang karapatan ng mga tao, ginawa ang batas para makatulong sa taumbayan at para makapagbigay ng kaayusan sa pamumuhay ng tao,” ani ni Fr. Secillano.
Batay sa resulta mas mababa ang bilang ng mga pumasa sa bar exam nitong 2018 sa 22.07% kumpara sa 25.55% noong 2017.
Sa kabuuang 8, 158 na mga indibidwal na kumuha ng pasulit sa abogasyo, 1, 800 lamang nagtagumpay kung saan nangunguna si Sean James Borja ng Ateneo De Manila University na nakakuha ng 89.306% na score sa pasulit.
Kabilang din sa top 10 sina Marcley Augustus Natu-El ng University of San Carlos (87.5300%), Mark Lawrence Badayos of University of San Carlos (85.8420%), Daniel John Fordan ng Ateneo de Manila University (85.4430%), Katrina Monica Gaw ng Ateneo de Manila University (85.4210%), Nadaine Tongco ng University of the Philippines (85.9320%), Patricia Sevilla ng University of the Philippines (84.8590%), Kathrine Ting ng De La Salle University – Manila (84.8570%), Jebb Lynus Cane ng University of San Carlos (84.8050%) at Alen Joel Pita ng University of San Carlos (84.6930%).
Umaasa si Fr. Secillano na ang mga batas ay hindi magkaroon ng magkakaibang kahulugan sa bawat magtatanggol kundi mananaig ang batas para makapaglingkod sa mga mamamayan.
“Ang batas huwag naman sanang magpagulo dahil lamang sa mga interpretasyon ng iilan sana kung kayo ay gagamit ng batas ito talaga ay para makatulong at makapaglingkod sa mamamayan,” dagdag ni Fer. Secillano sa Radio Veritas.