741 total views
Pinaalalahanan ni Cebu Archbishop Jose Palma ang mga bagong ordinang pari ng arkidiyosesis na panatilihin ang kababang loob at katapatan bilang pastol ng simbahan.
Ito ang habilin ng arsobispo sa limang inordinahang pari na magiging katuwang sa pangangalaga sa humigit kumulang limang milyong katoliko sa Cebu.
Ipinaliwanag ni Archbishop Palma na bilang mga pastol sa kawan ng Panginoon nararapat nakahanda itong maglingkod sa pamayanan tulad ng mga halimbawang ipinamalas ni Hesus sa kanyang mga alagad.
“If there is one best picture of a priest, it’s not one who sits on the throne but the one who bends and kneels to wash the feet,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Palma.
Isa ang Cebu sa may pinakamalaking populasyon ng mga katoliko sa bansa at mayaman sa bokasyon sapagkat ang lalawigan ang tinaguriang sentro ng kristiyanismo sa bansa dahil dito inihasik ng mga misyonero ang pananampalataya noong 1521.
Kinilala ang mga bagong pari ng arkidiyosesis na sina Fr. Sanny E. Cantilla, Fr. Charles L. Cuizon, Fr. Junel B. Fuentes, Fr. Elvin I. Lumantas at Fr. Dean Marlo T. Mangubat.
Hamon ng arsobispo sa kapwa lingkod ng simbahan ang pagpapaigting sa misyon upang maabot ang bawat komunidad at maiwasang maisantabi ang ilang sektor.
Batay sa datos ng Catholic Hierarchy noong 2019 nasa 614 ang mga paring diocesan at religious sa arkidiyosesis na katuwang ni Archbishop Palma sa pangangasiwa sa 167 mga parokya.