238 total views
Iwaksi ang pagiging makasarili.
Ito ang hamon ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mananampalataya sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Santisima Trinidad sa Most Holy Trinity Parish sa Sampaloc Maynila.
Nawa ayon kay Cardinal Tagle, matularan ng mga mananampalataya ang Santisima Trinidad dahil ito ay larawan ng magkakaugnay na relasyon ng tatlong persona ng nag-iisang Diyos.
Paliwanag ni Cardinal Tagle, tulad ng pagkakaugnay ng tatlong persona ng Panginoon, ang bawat tao ay nararapat na magkaroon din ng personal na pakikipag-ugnayan sa kan’yang kapwa at hindi mamayani ang pagkakanya-kanya.
Iginiit nito na hindi matutuklasan ng isang indibidwal ang tunay niyang katauhan sa buhay nang walang pakikipag-ugnayan sa kapwa.
“Ang persona laging may kaugnay at sa ugnayan doon nya nakikita natuuklasan kung sino siya.” bahagi ng pahayag ni Cardinal Tagle.
Hinamon din ni Cardinal Tagle ang kabataan ngayong Year of the Youth na iugnay ang kanilang sarili sa kapwa sa pamamagitan ng pagtulong at pagmamalasakit.
Sinabi nito na habang bata pa lamang ay kinakailangang sanayin ang sarili na labanan ang indibidwalismo.
Giit pa ng Cardinal, magagawa ito sa pamamagitan ng pagkilala sa ugnayan ng bawat tao, pag-unawa sa ugnayan ng tao at ng kalikasan, pagtanggap sa tungkulin ng bawat tao na tulungan ang kan’yang kapwa, at pag-iwas sa pang-mamaliit o pang-aalipusta.
“Mga kabataan you are persons you are not just individuals learn how to relate with one another, at ipakita n’yo yan sa inyong malasakit.Iitigal na sana ng mga kabataan ang bullying, minamaliit ang kanyang kapwa. We are persons may kagandahan lahat tayo, meron ding kapintasan. Magkakaugnay tayong lahat kaya itigil ang paninirang yan. Kapag meron kayong nakitang inaapi, kayo ang unang dadamay. Kapag meron kayong nakitang inaalipustang kabataan isipin niyo kayo rin ang anak na isinusigo ng Diyos Ama taglay ang Espiritu ng paglingap at pag damay,” dagdag pa ni Cardinal Tagle.
Kasabay ng pagdiriwang ng Holy Trinity ipinagdiwang din ng simbahan ang Basic Ecclesial Community (BEC) Sunday, umaasa si Cardinal Tagle na ang mga kabataan ay makatutulong din sa pagbuo ng maliliit na mga komunidad.
Naniniwala ito na kung ang saligan ng lahat ng uri ng komunidad ma pa simbahan man ito, sa pamilya, trabaho o sa paaralan, ay ang Santisima Trinidad, tunay na maiwawaksi ng lipunan ang “individualism”.
“Nakiusap po ako sa ating lahat na iwaksi na ang ganitong individualism na dahilan ng pagkasira ng tao ng bayan at ng kalikasan. Only genuine personhood that recognizes the other as part of me and I as part of the other, can the world and society be created and recreated dahil ganyan ang kilos ng Banal na Santisima Trinidad,” Pahayag ni Cardinal Tagle.