641 total views
August 31, 2020
Isang malaking hamon sa bawat mamamayan ng Pilipinas ang pagiging bayani.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, pangulo ng Radio Veritas at executive director ng Caritas Manila, bawat isa sa atin ay tinatawagan na maging banal at bayani bilang mga kristiyano.
“Salamat sa National Heroes Day na tayo po ay hinahamon na ipakita at palabasin ang kadakilaan ng bawat isa. Ang kadakilaan sa mata ng Diyos ay nasa paglilingkod. The more we serve, the more we become great for God and for one another,” ayon kay Fr. Pascual.
Ito ay sa pamamagitan ng pagmamalasakit sa kapwa at mabuhay ng hindi lamang para sa sarili.
“BAYANI ang hamon sa bawat isa sa atin. Ito’y simbolo ng isang tao na iniisip niya ang kapwa niya at hindi ang kanyang sarili. Bilang Pilipino, ito din ang hamon sa atin. Walang sinuman ang nabubuhay para sa sarili lamang. Ang mahalaga iyong mindfulness na tayo ay nabubuhay hindi para sa ating sarili, kung hindi para sa kapwa,” ayon kay Fr. Pascual.
Ipinaalala ng pari na mahalaga sa araw-araw na ating pamumuhay ay dalhin ang ating krus at sundan ang gawi ng Panginoon.
Iginiit ng pari na ang pinakamataas na uri ng pagmamahal ay paglilingkod na isang bahagi ng paglago ng sarili.
Kasabay ng pagdiriwang ng National Heroes Day, isang misa naman ang ginanap sa San Felipe Neri Parish sa Mandaluyong na pinangunahan ni Manila Apostolic Bishop Broderick Pabillo.
Ang misa ay inialay at pagpupugay sa mga frontliner na mula sa sector ng medical, security at services na may temang ‘Pagpaparangal at pagdarasal para sa mga Frontliners.’