273 total views
Hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang ang mga deboto ng Poong Hesus Nazareno na gamitin ang bawat kaloob ng Diyos sa tunay na misyon ni Kristo.
Ayon kay Cardinal Tagle sa kaniyang homiliya na bawat isa ay binigyan ng biyaya o kaloob ng Diyos na maari niyang gamitin para sa misyon na magpapalago sa ating pananampalataya at kabutihan ng ating kapwa.
“Ito po ang ating panalangin para sa ating lahat. Mga deboto ang debosyon umuuwi sa misyon at walang makakapagsabi na hindi ko kaya ang misyon. Hanapin mo ang kaloob na natanggap mo ang kaloob na yan palalimin mo sa pag-ibig at sa pamamagitan niyan magtagumpay nawa ang Diyos sa iyong paglilingkod,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Paliwanag ng Cardinal, ilan sa mga kaloob na ito ay ang kaloob ng paghahayag na nararapat na gamitin sa pagpapahayag ng katotohanan at hindi kabalintunaan.
“Kung meron kang kaloob na magaling kang magsalita, gamitin mo yan wag sa pambobola, huwag sa manipulasyon ng katotohanan, huwag para manlinlang ng mga nililigawan mo tapos ay iiwanan mo pala. Huwag mong gamitin ‘yan sa ganiyang paraan. Gamitin mo ang kaloob mo na mahusay kang magsalita, ipahayag mo ang katotohanan,” ayon pa kay Cardinal Tagle.
Read: Traslacion 2020: “Iba’t ibang Kaloob, Isang Debosyon tungo sa Isang Misyon”
Tulad ng misyon ni Hesus na mula sa Ama ayon pa kay Cardinal Tagle ay ang misyon ng pag-ibig, pagpapatawad at pagliligtas na humantong sa pagpapako nito sa Krus para sa sanlibutan.
Nilinaw naman ni Cardinal Tagle na ang Krus ay simbolo ng tagumpay ng pag-ibig ng Panginoon para sa kapwa at hindi pagdurusa.
“Wala ng pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang tao na handang mag-alay ng buhay para sa kaibigan. Iyan ang nagtatagumpay sa Krus ni Hesus. Tagumpay ng pag-ibig laban sa pagpapahamak sa kapwa. Tagumpay ng pag-ibig para mabuhay ang kapwa. Tagumpay ng pag-ibig para maligtas ang kapwa,” bahagi pa ng homiliya.
At bilang pagtatapos, hinikayat ni Cardinal Tagle ang mananampalataya na manalangin para sa pagtanggap ng kaloob ng Diyos at hingin ang debosyon para sa pakikiisa sa misyon ni Hesus.