173 total views
Magkaisa at itaguyod ang Catholic Education.
Ito ang panawagan ni Father Nolan Que – NCR Regional Trustee ng Catholic Educational Association of the Philippines sa General Assembly ng Archdiocese of Manila Educational System o RCAM-ES.
Ayon sa Pari, ang pagtuturo ng mga guro ay kinakailangang nakaugat sa misyon ng simbahan na paghahayag ng mabuting balita.
Hinimok ni Father Que ang mga guro na maging kasangkapan upang maiwasan at masawata ang pagkalat ng “fake news” na isa sa mga sumisira sa tao at sa lipunan.
“We have to announce good news. Fake news is never good news. Yung paninira ay hindi na dapat i-like. Kapag may siniraan ang isa, huwag mo nang ipasa sa iba. Otherwise the pain continues.” pahayag ng pari.
Hinikayat din nito ang mga guro na maging saksi at lingkod ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapadama sa mga mag-aaral ng presensya ng Diyos.
Aminado naman si Father Que na sa paggawa nito ay kinakailangan ding dumanas ng paghihirap ang mga guro.
Gayunman, iginiit ng Pari na dahil sa sakripisyo ng pagsisilbi sa mga mag-aaral ay tiyak na papalitan ito ng Diyos ng kaligayahan.
“It is a reminder for all of us that when we bear witness, it is not pain all the time. There are times that there is joy amidst the pain that we bear.” Dagdag pa ng Pari.
Ipinagdarasal naman ng Pari na patuloy na gabayan ng Espiritu Santo ang lahat ng mga guro at ang buong komunidad ng RCAM-ES.
Ang Roman Catholic Archbishop of Manila Educational System ay samahan ng 28 mga Catholic Schools mula sa Maynila, Mandaluyong, Makati at San Juan City.