160 total views
Tungkulin ng mga mambabatas na ilabas ang katotohanan sa pagganap ng kanilang sinumpaang gawain na maglingkod para sa sambayanan.
Ito ang paalala ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa House at Senate inquiry sa malalang problema ng Pilipinas sa ilegal na droga.
Iginiit ni Bishop Pabillo na dapat ang natatanging layunin ng mga mambabatas ay alamin ang katotohanan at hindi para pagtakpan o protektahan ang mga tunay na nagkasala na nagpapalaganap ng kaguluhan at hindi pagkakaunawaan sa bansa.
“Sana naman, talagang layunin ng mga mambabatas ay lumabas yung katotohanan at hindi upang takpan ang katotohanan. Sana itong mga pag-aaway nila ay makapag-promote ng tunay na paglabas ng katotohanan at sana hindi ito maging daan para protektahan ang ibang mga tao, ang ibang mga interes. Kailangan talaga ng taumbayan ang katotohanan para masugpo ang problema ng bansa…”pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas advocate.
Dinidinig sa kasalukuyan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang illegal drug trade sa New Bilibid Prison habang nagsasagawa rin ng pagdinig ang Senado sa nagaganap na Extra-judicial Killings sa war on drugs ng pamahalaan.
Samantala, ipinagmamalaki ng Philippine National Police (PNP) na bumaba sa 31-porsiyento ang krimen sa bansa ngunit mahigit sa 3-libong indibidwal na ang namamatay sa mas pinag-iting na kampanya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Kaugnay nito, inihayag ni CBCP President Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa isang kalatas na siya ay nahihiya, nababahala at nalulungkot sa patuloy na pagtaas ng kaso ng extra-judicial killings sa bansa.
Kasunod nito, hinimok ni Archbishop Villegas ang taumbayan na magdasal ng Santo Rosaryo at magsimba araw-araw para muling maghari ang pagpapahalaga sa sagradong buhay sa bansa.