214 total views
Ito ang sagot ni Buhay Partylist Representative at dating Manila Mayor Lito Atienza kaugnay sa House Bill 6027 o dissolution of marriage na isinusulong sa Kongreso.
Binigyang-diin ni Atienza na kung ipagpapatuloy lamang ng mag-asawa ang mga katangian ng isang ama at isasabuhay ang pagiging haligi at ilaw ng tahanan ay walang pamilya ang mabubuwag.
“Isa lang ang paraan. The wife should really try hardest to be the mother and the light of the home and the father is the breadwinner. Hindi na mababago yun, dapat ituloy natin yun,” pahayag ni Atienza sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, hinamon ng Kongresista ang mga kinatawan ng Simbahan na gamitin ang kanilang impluwensiya at kapangyarihan upang ikintal sa isip ng bawat tao ang kahalagahan ng pag-aasawa.
“One of the strongest influences in the Philippines is still our Church. Ang aking sinasabi sa mga kaibigan kong pari at obispo na gamitin ang pulpito para ipangaral ang buhay ng tao,” dagdag pa ni Atienza.
Sa ilalim ng House Bill 6027, maaari nang ipawalang bisa ang isang kasal bunsod ng pagkakaiba, hindi pagkakasundo at lubhang kalungkutang nararanasan sa pagitan ng mag-asawa.
Mababatid sa 2014 report ng Office of the Solicitor General na patuloy na lumalaki ang kaso ng mga annulment sa bansa kung saan naitala ang edad 21-25 taong gulang na nakapagsama sa pagitan ng 1-5 taon ang nagsusumite ng pagpapawalang bisa ng kasal.
50 porsiyento sa mga nagsasampa ng kaso ay pawang mga kababaihan.
Una nang inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco ang kasagraduhan ng pag-iisang dibdib at pagiging sentro ng relasyon kay Hesus na Siyang tagapaghatid ng kapayapaan at pag-ibig.