1,374 total views
Ang tubig ay isa sa mga pinakamahalagang pangangailangan ng bawat mamamayan. Basic need ito, kapanalig. Pero kahit ulan ng ulan ngayon at napapalibutan tayo ng katawang tubig, ang kakulangan sa suplay ng tubig ay isang isyu na kinakaharap ng bansa, hindi lamang dahil nagbabanta ang El Nino, kundi dahil marami pang ibang hamon sa water supply ng bayan.
Isa sa mga pangunahing hamon sa suplay ng ating tubig ay ang maling pamamahala at pag-gamit nito. Marami pang bahagi ng ating bansa ang labis na umaasa sa groundwater o tubig mula sa ilalim ng lupa. Habang dumadami ang taong gumagamit nito, maaring maubos ito at maging sanhi pa ng erosion at sink holes.
Ang kawalan din ng maayos na imprastraktura para sa maayos na pamamahala at pag-ipon ng tubig ay isa pang hamon na dapat nating tugunan. Ayon nga sa National Water Resources Board, tinatayang mga 11 milyong Filipino ang walang access sa malinis at ligtas na tubig. Ang laking impact nito, kapanalig, sa buhay natin. Ang kawalan ng malinis na tubig ay nagdudulot ng sakit, gaya ng diarrhea, cholera, at leptospirosis.
Ang kalinisan ng tubig sa ating bayan ay hindi lamang responsibilidad ng pamahalaan. Lahat tayo ay nakataya dito. Marami sa ating kababayan ang hindi pa mulat sa kanilang bahagi sa pagiging marumi ng ating mga katawang tubig. Sa halip na mabawasan, mas lalo pang dumami ang basura natin sa katubigan, kaya nga’t tayo na ang isa sa nangunguna sa buong mundo pagdating sa plastic pollution sa mga karagatan.
Ang suplay ng tubig sa Pilipinas ay isang mahalagang isyu na dapat pagtuunan ng seryosong pansin ng bawat mamamayan at ng gobyerno. Sa ngayon, ang ating naririnig lagi mula sa pamahalaan ay ang paghahanda ng mamamayan para sa El Nino, ang pagtitipid ng paggamit sa tubig- pero ano kaya naman ang mga proyekto ng gobyerno upang proactive naman, at hindi lamang reactive ang ating kilos ukol sa kakulangan ng water supply, hindi lamang ngayon, kundi sa hinaharap? Agarang aksyon ang kailangan dito. Ano ba ang immediate at long-term water management plant ng ating bayan?
Kapanalig, tanong sa atin ng Laudato Si, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan: Anong uri ng mundo ang iiwan natin sa susunod na henerasyon? Malalim ang tanong na ito, at dapat nating pagnilayan. Sa ating konteksto ngayon, may maiiwan pa ba tayong malinis na tubig sa susunod na henerasyon? Sana naman, meron kapanalig.
Sumainyo ang Katotohanan.