364 total views
Mga Kapanalig, sa isang privilege speech kamakailan, iminungkahi ni Senador Francis Tolentino na imandato ang mga opisyal at kawani ng gobyerno na ideklara kung sila ay may mga kamag-anak na kaanib ng mga teroristang organisasyon. Ito raw ay upang maiwasang makompromiso ang pambansang seguridad o national security. Pinalutang ng senador ang suhestyong ito dahil na rin sa kaso ni Commission on Higher Education (CHED) chair Prospero de Vera na ang kapatid ay dinakip at inakusahang may mataas na katungkulan sa Communist Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front’s (o CPP-NPA-NDF). Agad namang sumalungat sina Senador Koko Pimentel at Senadora Loran Legarda. Anila, hindi responsable ang pinuno ng CHED sa mga ginagawa ng kanyang kapatid. Ang paniniwala rin daw sa anumang ideolohiyang nagsusulong ng katarungang panlipunan ay hindi awtomatikong pagsang-ayon sa karasahan.
Mukhang may ibang dapat tayong hanapin, Senador Tolentino. Bakit hindi kaya natin hanapin ang mga opisyal ng gobyernong sangkot sa katiwalian o may mga kailangan pang panagutan sa bayan?
Kung ating maaalala, nagbanta noon ang dating Pangulong Duterte na “one whiff of corruption” lamang, sisibakin na agad sa puwesto ang isang opisyal. Pero wala naman tayong nakitang tunay na napanagot sa mga kaso ng katiwalian sa ilalim ng nakaraang administrasyon. Nariyan ang mga kuwestiyonableng proyektong milyun-milyon o bilyun-bilyong piso pa nga ang halaga, ngunit hindi naman maayos na nai-report kung saan-saan nga ba nagamit ang pondo.
Mayroon pang mga pinagkakitaan ang pandemya. Sa tulong ng kanilang mga koneksyon sa gobyerno, may mga kompanyang kumita sa mga kontratang bilyun-bilyong piso ang halaga. Noong kasagsagan ng pandemya, bumili ang gobyerno sa isang kahinahinalang kompanya ng mga overpriced na medical supplies katulad ng face shields. Hanggang ngayon ay hindi na napananagot ang mga nasa likod nito. Parang walang nangyari.
Tila napalampas na rin ang nawawalang bilyun-bilyong pisong kontribusyon ng mga manggagawa para sa kanilang health insurance. Napunta ang pera sa mga kuwestiyonableng dialysis centers at paanakan gayong hindi naman nakalaan ang pera para sa mga ito. May mafia nga raw na nangulimbat ng perang ito, pero gaya ng ibang kaso, hindi na ito ngayon pinagtutuunan ng pansin.
Umaalingasaw ang katiwalian sa gobyerno ngunit tila makapal ang face masks ng mga nakaupo sa gobyerno. Hindi nila ito naamoy. O baka naman naamoy nila pero hindi nila balak alamin kung saan nanggagaling ang baho ng korapsyon. Bakit kaya?
Wika nga sa Exodo 23:8, ang katiwalian ay “bumubulag sa tao sa katuwiran.” Alam nating lahat ito, at alam na alam din dapat ito ng ating mga lider. Ngunit sadya yatang normal na sa ating pulitika ang kurapsyon dahil sa kabila ng kaliwa’t kanang mga pagdinig na ginagawa ng ating mga mambabatas, malaya pa rin ang mga tiwali. Kasa-kasama pa nga nila sa trono ng kapangyarihan.
Hindi natin makamit-kamit ang tinatawag ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Laudato Si’ na “culture of integrity”, isang kultura ng integridad kung saan malinaw na nalalaman ng mga mamamayan ang mga ginagawa ng mga namamahala sa kanila. Mailap ang ganitong kultura sa ating pulitika dahil nakatuon sa ibang mga bagay ang atensyon ng ating mga lider. Nakatuon ang marami sa kanila—kung hindi man lahat—sa pagtatago ng katotohanan at sa pag-iwas sa pananagutan. At nagtatagumpay sila dahil tahimik lamang tayo sa harap ng lantarang pagnanakaw sa perang pinag-ambagan natin.
Mga Kapanalig, anay sa demokrasya ang katiwalian. Ipinagkakait nito sa atin ang pagkakataong mapakinabangan ang mga serbisyong dapat nating matanggap bilang mga mamamayan ng ating bansa. Ngunit dahil hindi tayo kumikibo, tuloy ang ligaya ng mga ginagawang diyos ang pera at kapangyarihan.