208 total views
Dapat hanapin at makita ng bawat mananampalataya si Hesus sa mga mahihirap at mga maliliit sa lipunan.
Ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, maipapadama natin ang awa at habag ng Diyos kung sisikapin nating makita sa mga mahihirap at nangangailangan ang mukha ni Kristo.
“Hanapin si Hesus, hanapin siya doon sa mga kapatid nating nakabayubay sa krus. Hanapin siya, ang kanyang mukha sa nagugutom, sa nauuhaw, sa mga walang matuluyan, sa walang mga saplot. Hanapin siya kung saan man may krus,pumunta, tumingala hanapin ang mukha ni Hesus. Tularan natin si Maria kasi po yung ibang mga alagad ni Hesus nagtakbuhan, iniwanan na si Hesus, si Maria hindi.Si Hesus nasa eukaristiya, sakramento at sa simbahan. Nandiyan lamang ang Diyos, nandiyan siya sa kanyang salita, nandiyan siya sa sakramento, nandiyan siya sa eukaristiya, nandiyan siya kasa-kasama natin. Pero dahil hindi natin siya hinahanap, hindi natin siya nakikita o natatagpuan,”paanyaya ni Cardinal Tagle.
Ibinahagi ni Cardinal Tagle na sa katatapos lamang na World Youth Day na mayroong mga kabataang na nagmula sa Syria na sa kabila ng kanilang hirap na dinaranas ay hinahanap pa rin nila si Hesus.
“Napakaraming tao na naghahanap sa Diyos. Kararating ko lang po kaninang madaling araw galing sa World Youth Day. Pero may isang bata galing sa Syria na nagsalita sa harapan ng Santo Papa at sabi noong bata na dalagita, sabi niya ang aming buhay sa Syria ay napapalibutan ng kamatayan. Our life in Syria is envelope by death. Tapos sabi niya, God where are you? Nasaan ka, nasaan ka Diyos ko? Nakalulungkot man, nakakadurog man ng puso, ang nakasalalay na sa gitna ng kamatayan dilim at lagim ang hinanahap nung bata ang Diyos, nasaan ka O Diyos ko?”pahayag ng Kardinal.
Sinabi ng Kardinal na malaking hamon na makita sa ating mukha bilang katoliko at bahagi ng simbahan ang mukha ni Hesus.
Ikinuwento ni Cardinal Tagle ang kanyang karanasan sa pagbisita sa refugee camp bilang presidente ng Caritas Internationalis.
“May nabisita nga po akong isang kampo ng mga refugees, mga taga Syria, taga Iraq doon po sa Lebanon nandoon ang kampo. Pagdating namin doon may isang matanda na Muslim na akala ko po ay kumakanta kasi ano siya parang sumasayaw, hindi ko po naiintindihan ang kanyang salita tinanong ko dun sa pari na kasama ko ano ang sinasabi nung matanda. Sabi raw po nagpapasalamat kami sa inyo mga Kristiyano, sa inyo na nasa Caritas, kayo lamang ang nakakakaisip sa amin. Napakaganda, sabi ko kapag tinananong sila what is a Christian, ano ang Kristiyano para sa kanila, ang Christian is somehow who thinks of others,”dagdag pahayag ni Cardinal Tagle.
Ngayong 2016, sini-celebrate ng Simbahang Katolika ang taon ng awa at habag kasabay ng extra-jubilee year of mercy na idineklara ni Pope Francis.