315 total views
Kapanalig, digital age na. Handa ba tayo sa mga pagbabagong dala nito?
Ayon sa isang pagsusuri na ginawa ng Ponemon Institute, 32% lamang ng mga IT at security professionals na kanilang na-survey ang nagsasabi na mataas ang kanilang lebel ng cyber resilience. Ang Ponemon Institute ay isang research center na nilikha para tuunan ng pansin ang protection ng datos at seguridad ng inpormasyon.
Ang datos na ito ay nakaba-bahala. Hindi nga ba’t kabi-kabilang balita ng cyber hacking ang ating narinig, kasama pa ang paglipana ng mga fake sites at pekeng balita? Ayon pa nga sa ahensya, 66% ng kanilang na-surbey na IT professionals ang nagsabi na hindi handa ang kanilang organisasyon sa cyber attacks.
Isang uri ng cyber attack ay ang insidente sa US noong Oktubre 2016 kung saan maraming websites ang naging paralisado o bumagsak sa iba ibang parte ng US. Sa ating bansa, marami na rin ang insidente ng cybercrimes. Ayon sa datos ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP ACG) noong 2015, 1,211 cybercrime complaints ang kanilang naitaala mula 2013 hanggang 2015. Ang limang nangungunang reklamo ay online scams (366), online libel (240), online threats (129), identity theft (127), at photo and video voyeurism (89). Kahit na may anti-cyber crime law na tayo, dumarami pa rin ang paglabag ng batas.
Ang digital age, lalo na ang internet, ay maraming dalang biyaya, ngunit marami rin itong dalang banta. At ang mga bantang ito ay kailangan nating paghandaan. Ang paghahandang ito ay hindi lamang hamon ng propesyon at teknolohiya, ito rin ay hamon ng pagiging makatao dahil karamihan sa ating mga batayang serbisyo ngayon ay naka-aankla o kaugnay na ng teknolohiya at internet. Anumang kakulangan sa paghahanda laban sa cybercrimes ay kakulangan din sa serbisyo sa bayan.
Sa kanyang encyclical na Laudato Si, inihayag mismo ni Pope Francis na ang Internet at teknolohiya ay isang regalo mula sa ating Panginoon. Kaya lamang, kailangan pa rin natin pag-ingatan ang pag-gamit nito. Pina-aalahanan niya tayo sa kanyang Mensahe noong 48th World Communications Day na ang Internet ay isang makapangyarihang instrumento ng komunikasyon. Maari nitong mapaliit ang iwang sa pagitan ng mayaman at mahirap. Makinig sana tayo sa kanyang paalala: The digital world can be an environment rich in humanity; a network not of wires but of people.