341 total views
Mga Kapanalig, sa Mga Awit 82:2, tinanong ng Diyos ang mga pinuno ng Israel, “Hanggang kailan kayo hahatol nang hindi tama? Hanggang kailan ninyo papaboran ang masasama?” Sa masalimuot na sistemang pangkatarungang mayroon ang ating bansa, malamang ito rin ang itatanong ng Diyos sa ating mga pinuno.
Noong huling linggo ng Abril, binawi ng umaming drug dealer na si Kherwin Espinosa at ng dating Bureau of Corrections (o BuCor) officer-in-charge na si Rafael Ragos ang kanilang mga testimonya laban kay Senadora Leila de Lima na iniuugnay nila sa illegal drug trade. Sinabi nina Espinosa at Ragos sa kanilang mga counter affidavits na pinilit silang sabihing tumanggap ng pera si Senador de Lima mula sa mga drug traffickers at ginamit niya ang perang ito upang tustusan ang kanyang kampanya para sa Senado noong 2016. Nagawa raw nila ito dahil sa pananakot ng mga pulis at ng noo’y DOJ Secretary na si Atty. Vitaliano Aguirre.
Matatandaang inaresto at ikinulong noong 2017 si Senador de Lima matapos siyang akusahang sangkot sa kalakalan ng iligal na droga sa loob ng New Bilibid Prisons habang kalihim ng DOJ. Mariing itinanggi ng senadora ang lahat ng akusasyong ibinato sa kanya. Sinasabing gawa-gawa lamang ang mga paratang na ito bilang ganti sa pagpuna niya sa madugong anti-drug campaign ni Pangulong Duterte. Bahagi rin daw ito ng paghihiganti ni Pangulong Duterte dahil sa pag-iimbestiga noon ni Senador de Lima bilang dating chairperson ng Commission on Human Rights (o CHR) sa mga extrajudicial killings ng tinaguriang “Davao Death Squad” sa Davao City, kung saan naging mayor si Pangulong Duterte. Walang mali sa ginawang imbestigasyon ni Senador de Lima sa mga pagpatay sa ilalim ng “war on drugs” ng administrasyong Duterte dahil tungkulin niya ito bilang lingkod-bayan.
Sa tatlong kasong isinampa laban sa senadora, isa na ang ibinasura ng korte. Hindi makatarungang limang taóng nagdurusa ang senadora sa loob ng piitan dahil sa akusasyong ngayon ay binabawi. Nang siya ay nililitis sa Senado, hindi rin nakalusot si Senador de Lima sa mga pambabastos ng mismong mga opisyal ng gobyerno sa kanyang pagkababae. Katulad din ng mga insosenteng napatay sa “war on drugs” at hindi nabigyan ng pagkakataong humarap sa batas, biktima ring maituturing si Senador de Lima ng hindi patas na sistemang pangkatarungan sa ating bayan. Hindi kailanman magiging makatarungan ang ginawang paghihiganti at panggigipit ng administrasyon sa kanya. Ngunit sa kabila ng pang-aapi sa kanya, patuloy pa rin niyang nagampanan at ginagampanan ang kanyang tungkulin bilang mambabatas.
Ayon kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, ang kawalang-katarungang ginawa kay Senador de Lima ay kawalang-katarungan din sa mamamayang Pilipino. Aniya, binigyan si Senador de Lima ng mandatong maglingkod bilang senador, ngunit hindi niya ito malayang nagawa sa nakalipas na halos anim na taon sa loob ng piitan.
Sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti, kinikilala ni Pope Francis ang mga indibidwal at sektor ng lipunan na biktima ng kapangyarihang hindi nagamit sa tamang pamamaraan. Sinabi niyang may hustisya o katarungang tinatamasa ang lipunan kung walang nangingibabaw na indibidwal o grupo ng taong abusado sa kanilang kapangyarihan at isinasantabi ang dignidad at karapatan ng ibang indibidwal o iba pang grupo sa lipunan.
Mga Kapanalig, ngayong may uupong bagong administrasyon, ipagdasal nating magiging daan ang maluluklok na mga pinuno ng ating bansa para ibalik ang tunay na katarungan sa ating lipunan. Nawa’y maging daan sila upang mabigyan ng hustisya ang mga naging biktima ng giyera kontra droga at panggigipit ng papaalis na administrasyon. Nawa’y ipagtanggol nila ang karapatan ng mga naisasantabi. Nawa’y marunong silang makinig at tumanggap ng kritisismo, at hahatol nang tama.