289 total views
Kalamidad ang itinuturong dahilan ng Hapag – Asa Integrated Nutrition Program sa pagdami ng pamilyang nagugutom sa bansa.
Ayon kay Florinda Lacanlalay, program manager ng Hapag – Asa, lalo pang lumalala ang problema ng kagutuman dahil na rin sa naranasang matinding tag – tuyot nitong huling quarter ng 2015.
“Tinitingnan nga namin yung datos ng malnutrisyon, isa sa aming palagay kung bakit parang nagwo – worsen pa nga it is because of the disasters na dumadating sa ating bansa. Kapag nagkakaroon ng bagyo nagkaroon ng pagbaha,talagang napakaraming pamilya yung naapektuhan.
Yung latest natin was yung sa mga lugar na nagkaroon ng drought sa Mindanao, andaming pamilya na naapektuhan doon,” bahagi ng pahayag ni Lacanlalay sa panayam ng Veritas Patrol.
Kumpiyansa naman si Lacanlalay sa naging pahayag ni Vice – President Leni Robredo na pursigido itong solusyunan ang problema ng kagutuman.
Dahil dito ay makikipag – tulungan sila sa pamahalaan at civil society upang tumugon sa naging panawagan ni Pope Francis na Zero Hunger campaign para sa taong 2040.
“Kaya nga yung magandang pangako ni Vice – President Robredo iibsan din yung kagutuman at kami nakikipag – coordinate din kami at tumitingin kung paano ba magkakatulungan ang pamahaalaan at civil society at ang Simbahan para mabawasan ang problemang ito,” giit pa ni Lacanlalay sa Radyo Veritas.
“Batay naman sa survey ng Social Weather Stations (SWS), mula sa 2.6 million na pamilyang nagugutom sa huling bahagi ng 2015 ay tumaas ito sa 3.1 million sa unang quarter ng 2016,”pahayag ni Lacanlalay sa Radio Veritas.
Patuloy naman ang pagbibigay ng feeding program ng Hapag – Asa sa mahigit 200 libong benepisyaryo nito kada taon.