291 total views
Kapanalig, kapag Huwebes Santo, ating laging ginugunita ang huling hapunan ni Kristo kasama ang mga disipulo. Karaniwan, may aninag ng lungkot ang pagsasama-sama nila dahil matapos nito, si Hesus ay ipagkakanulo, na siyang hudyat at simula ng kanyang pagdurusa tungo sa Krus ng Kalbaryo.
Ang Huling Hapunan ni Kristo ay simbolo rin ng pag-asa, kapanalig. Dito sa hapag na ito, nakapag-piging siya kasama ang kanyang mga kaibigan. Sa hapag na ito, naitaguyod niya ang Banal na Eukaristiya, ang binhi ng ating pananalig, ang simula ng ating pagiging Simbahan.
Ang imahe ng Huling Hapunan, ang pagsasalo-salo natin sa hapag-kainan, ay simbolo rin ng pag-asa. Dito nararamdaman natin na hindi tayo nag-iisa. May komunidad tayong makakasama.
Ang komunidad at pakikiisa ay napakahalaga sa ating panahon ngayon kung kailan mas lumalala ang banta ng food insecurity hindi lamang sa ating bansa, kundi sa marami pang mga bansa sa buong mundo. Ang mabilis na pagtaas ng bilihin, ang pagmahal ng langis at enerhiya, pati nga mga pataba o fertilizer ay nagmahal ngayon – ang mga ito ay ilan lamang sa mga salik na nagpapalala ng food crisis sa buong mundo. Hindi pa man nakakabangon ang mundo sa pandemya, nag-usbungan na naman ang mga panibagong banta sa katiyakan sa pagkain. Ayon nga sa Food And Agriculture Organization ng UN, noong 2021, 828 million ang may “empty plates” sa buong mundo – 828 milyong taong gutom. Sa Pilipinas naman, ayon sa survey ng World Food Programme noong Oktubre 2022, isa sa sampung kabahayan sa bansa ay food insecure, at karamihan sa kanila ay matatagpuan sa BARM, Region 8 at Region 12. Liban pa dito, 7 sa 10 kabahayan ang gumagawa ng iba ibang diskarte upang tugunan ang problema ng food insecurity. Pangungutang ang karaniwang paraan nila upang huwag magutom.
Kapanalig, sa panahon ngayon na marami ang nagugutom at naghihikahos, ang huling hapunan sana ni Kristo ay ating maging inspirasyon. Sa gitna ng pagkadami-daming hamon sa buhay natin, ang paniniguradong lahat tayo ay may pagkain sa hapag ay kongkretong paraan ng pakikiisa at komunidad.
Huwag sana natin makalimutan ang ating kapatiran at komunidad, kapanalig. Huwag maging makasarili. Bilang Kristyanong Katoliko, dapat laging may pwesto ang nangangailangan sa ating hapag kainan. Paalala sa atin ng Evangelium Vitae, bahagi ng Panlipunang Turo ng Simbahan: Whenever our interior life becomes caught up in its own interests and concerns, there is no longer room for others, no place for the poor. God’s voice is no longer heard, the quiet joy of his love is no longer felt, and the desire to do good fades.
Sumainyo ang Katotohanan.