172 total views
Pagiging bahagi ng mas malawak na usaping panlipunan para sa bawat mamamayan ang panibagong misyon ng Hapag-asa Feeding Program.
Ito ang inihayag ni Finda Lacanlalay – Executive Director ng Hapag-asa Feeding Program ng Assisi Development Foundation at Pondo ng Pinoy ng Archdiocese of Manila, kaugnay ng mas malawak na misyon at layuning ginagampanan ng naturang programa ng Simbahan bukod pa sa pagpapakain at pagbibigay ng kabuhayan sa mga diyosesis.
“Hindi na feeding program lang, hindi na livelihood lang but they are now involve in yung mga issues like the environment – how do you protect the environment, pangalawa good governance–how do you ensure that your elected officials really conduct good governance, issue ng indigenous people, yung mga ganun ba, dumadami na yung nagiging involvement apati na nai-increase yun kamalayan nung ating mga mamamayan, yung ating mga magulang tungkol dun sa mga very relevant issues ngayon ng pamayanan..” Ang bahagi ng pahayag ni Lacanlalay –sa panayam sa Radio Veritas.
Ang Hapag-Asa Feeding Program ang maituturing na pangunahing programa ng Pondo ng Pinoy na itinatag ni Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales noong 2004 upang mangalap ng mga barya para sa mga programa ng Simbahan at hikayatin ang mga Pilipino na mag-impok hindi para sa sarili kundi para sa pagtulong sa kapwa kahit sa maliit na paraan.
Noong 2015 umabot sa 21,000 malnourished na mga bata ang napakain at natulungan ng Pondo ng Pinoy sa loob ng anim na buwan, habang nasa 25,000 o higit pang mga bata ang target nitong matulungan ngayong taon.
Ang Hapag-asa feeding program ng pondo ng pinoy ay bilang tulong na rin sa pamahalaan upang maibsan ang kagutuman ng mga mahihirap sa bansa lalo na ang mga bata.