14,296 total views
Harapin ang bagong taon na dala ang bagong pag-asa at matatag na pananalig sa Panginoon.
Ito ang buod ng mensahe ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo sa taong 2024.
Ayon sa Obispo, nawa ay manatili ding matatag ang kalooban ng bawat isa sa pagharap sa anumang suliranin na maaring maranasan sa bagong taon.
“Messsage ko naman para sa lahat, magpasalamat po tayo sa Diyos na nagtatapos na ang 2023 at maraming mga dinaanan tayo, ang iba ay magaganda, ang iba ay malulungkot at mahihirap ngunit despite of everything nakayanin din natin, salamat po sa Diyos, ang lahat ng kabutihan ay nanggagaling sa kaniya,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.
Panalangin pa ni Bishop Pabillo na naway mabatid ng buong mundo na sa kabila ng mga pagsubok, kailanma’y hindi iiwan ng Panginoon ang sangkatauhan.
Kasabay ito ng mensahe ng pasasalamat ng Obispo sa Panginoon sa pagtatapos ng 2023 na bagamat nagdulot ng mga suliranin higit na sa ekonomiya matapos ang sunod-sunod na pagtaas ng inflation rate ay nananatiling matatag ang maraming Pilipino.
“At dahil po ating karanasan na hindi tayo pinapabayaan ng Diyos kaya nagkakaroon po tayo ng kakaibang loob na harapin ang 2024, hindi man natin alam kung ano ang gagawin ng2024 sa atin, pero alam po natin na hindi tayo iiwanan ng Diyos, nandiyan palagi ang Diyos na maasahan natin,” ayon pa sa panayam ng Radio Veritas kay Bishop Pabillo.