331 total views
Inalala ng kinatawan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa Mindanao ang malagim na Maguindanao Massacre na naganap 11-taon na ang nakakalipas.
Ayon kay CBCP North Mindanao Regional Representative Ozamis Archbishop Martin Jumoad, kasabay ng pag-alala sa 58-indibidwal na namatay sa Maguindanao Massacre noong ika-23 ng Nobyembre taong 2009 ay ang panalangin na magkaroon ng kamalayan ang lahat sa kasagraduhan ng buhay upang hindi na maulit pa ang madugong karahasan.
“We remember yung mga taong namatay partikularly yung mga journalist na sana po hindi na ito mag-repeat, sana po tayo po ay always conscious that life is precious and we should uphold and respect life…” pahayag ni Archbishop Jumoad sa panayam sa Radyo Veritas.
Nanawagan naman ang Arsobispo sa mga alagad ng batas na pagsumikapang mahuli ang iba pang may kaugnayan at may sala sa naganap na Maguindanao Massacreupang ganap na mabigyan ng katarungan ang mga biktima at kapamilya ng malagim na masaker.
Umaapela rin si Archbishop Jumoad sa iba pang sangkot sa naturang karumaldumal na krimen na sumuko na sa batas.
“Hanggang ngayon hindi pa [ganap na] nabigyan ng hustisya yung lahat kasi may iba pa na hindi pa sila [nahuhuli] at large pa yung iba, so sana po sumuko sila kasi hindi makatarungan yun. Para bigyang katarungan yung mga namatay sana po ang ating mga pulis sana po they always conscious that we have to really look for those who are culprit of the Maguindanao massacre…”dagdag pahayag ni Archbishop Jumoad.
Pinuri din ng Arsobispo ang hatol na guilty sa 48-indibidwal na sangkot sa karumal-dumal na krimen sa kasaysayan ng bansa.
Tiniyak naman ng Arsobispo ang patuloy na pagsusumikap ng Simbahan upang mabigyang diin ang kasagraduhan at kahalagahan ng buhay na biyaya ng Panginoon sa bawat isa.
Matatandaang ika-19 ng Disyembre taong 2019 mahigit isang dekada mula ng maganap ang Maguindanao Massacre noong November 23, 2009 ay tuluyan ng nahatulan ang mga nasa likod ng krimen na pawang kabilang sa prominenteng pamilya ng mga pulitiko sa Mindanao.
Sampung taong hinintay ng mga kaanak ng 58 biktima ang katarungan sa malagim na trahedya sa Maguindanao na kinabibilangan ng 32 mamamahayag at itinuturing na Worst Election Crime in Philippine History.
Sa sala ni Quezon City Regional Trial Court Judge Jocelyn Solis-Reyes ng Branch 221 ay hinatulan ng guilty sa 57 counts ng kasong pagpatay ang mga principal accused sa kaso kabilang na sina Datu Unsay Andal Ampatuan Jr., Datu Zaldy Ampatuan, Datu Anwar Ampatuan at iba pang akusado kung saan pinatawan ng parusang reclusión perpetua, o pagkakakulong ng mula 20 hanggang 40 taon, na walang piyansa ang mga ito.
Sa kabuuan, 28 ang convicted principal accused na nahatulan ng reclusión perpetua without parole; 15 naman ang convicted as accessories to the crime na nahatulan ng 6 hanggang 10 taong pagkakakulong; habang nasa 56 na akusado naman na karamihan ay mga pulis kasama na si Sajid Islam Ampatuan ang acquitted sa kaso dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya.
Naisantabi naman ng hukuman ang kaso ng may pitong akusado na una ng yumao kabilang na ang itinuturong utak sa nasabing masaker na ama ng mga Ampatuan na si Datu Andal Ampatuan Sr. na namatay noong 2015 habang nasa piitan dahil sa liver cancer.