383 total views
Mga Kapanalig, kabilang ang mga bata sa pinakabulnerableng sektor sa lipunan. Sa datos ng Philippine Statistics Authority (o PSA), 31.4% ng mga bata ay kabilang sa mahihirap na pamilya. Dahil dito, mas kailangang pagtuunan ng pansin ang kanilang kaligtasan, kalusugan, at edukasyon upang mabigyan sila nang maayos na pamumuhay.
Ngunit isang mapait na katotohanang milyun-milyong bata ang napipilitang magtrabaho sa murang edad dala ng kahirapan. Ngayong nagkaroon ng pandemya, milyon din ang mga batang hindi nakapag-enroll dahil sa hamong dulot ng distance learning. Paalala ng International Labor Organization (o ILO), napakahirap malaman ang epekto ng pandemya sa child labor sa Pilipinas dahil walang sapat na impormasyon o datos kung sinu-sino ang mga batang ito. Ngunit ang isang tagapagpahiwatig kung gaano kalalâ ang child labor ay kapag hindi na nakikita ang ibang mga bata sa paaralan dahil maaaring nagtatrabaho sila sa ibang lugar.
Ang mga child laborer ay ang mga batang edad 5 hanggang 17 na gumagawa ng mga mapanganib na trabaho, kung saan ipinagkakait sa kanila ang buhay bilang bata at maayos na edukasyon. Batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (o PSA), 597,000 na kabataan sa bansa ang maituturing na child laborer. Ayon sa Department of Labor and Employment (o DOLE) nitong buwan ng Hunyo, mahigit 90,000 na mga bata ang nasagip mula sa delikadong kondisyon ng pagtatrabaho nang umpisahan ng ahensya ang profiling sa mga child laborers. Bahagi ang profiling ng pagsasakatuparan ng Philippine Development Plan 2017-2022 na bawasan ng 30% ang mga kaso ng child labor. Bagamat magandang balita ito, mahaba pa ang daang tatahakin ng ating gobyerno, mga pribadong organisasyon, pati na ng mga magulang upang tuldukan ang child labor.
Sa mahabang panahon, karaniwang matatagpuan ang mga batang manggagawa sa mga sakahan, minahan, pabrika, at lansangan. Sa maagang pagtatrabaho ng mga bata, mataas ang posibilidad na malantad sila sa mga nakapipinsalang kemikal, delikadong lugar, at mapang-abusong kapaligiran. Lahat ng ito ay may negatibong epekto sa kanilang pisikal at mental na pag-unlad. Nawawalan sila ng pagkakataong makapag-aral, makapaglaro, at makapagpahinga. Malinaw na paglabag sa dignidad at karapatang pantao ng mga bata ang pagtatrabaho nila sa murang edad, lalo na kung ginagawa lang nila ito dahil sa hirap ng buhay. Ayon ensiklikal ni Pope Leo XIII na Rerum Novarum, hindi dapat ipinapasa o ipinapagawa ang mga trabahong nararapat sa mga nakatatanda, dahil ang kanilang mga katawan at pag-iisip ay nasa estado pa ng pag-unlad. Kaya ang paalala rin sa 2 Corinto 12:14, “ang mga magulang ang dapat mag-impok para sa mga anak, at hindi ang mga anak para sa mga magulang.” Responsibilidad ng mga nakatatanda na magtrabaho para sa kapakanan ng mga bata.
Mga Kapanalig, mahalagang natatamasa ng mga bata ang kanilang pangunahing pangangailangan at mga karapatan dahil bahagi ito ng kanilang paglaki at pag-unlad bilang maging kapakipakinabang na bahagi ng lipunang kanilang gagalawan. Malaki ang pananagutan ng buong komunidad na siguruhing wala nang batang magiging biktima ng maagang pagbabanat ng buto para lang mairaos ang pang araw-araw na pangangailangan. Responsibilidad ng mga magulang na pag-aralin at arugain ang kanilang mga anak. Higit sa lahat, tungkulin din ng pamahalaang tiyaking may disente at produktibong trabaho ang mga magulang at isalba pa ang mga batang nasa mga pabrika, sakahan, at minahan na humihingi pa ng saklolo.