288 total views
Inirekomenda nG Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pamahalaan na ikunsidera rin ang ilang masamang naidudulot ng pagpapanumbalik ng ROTC o Reserved Officers Training Course.
Ayon kay CBCP executive secretary Rev. Fr. Jerome Secillano, bagaman pinaiiral ang disiplina at pagmamahal sa bayan ng ROTC ay nagdudulot rin ito ng maraming anomalya lalo na ng fraternity, hazing at corruption sa loob ng mga private at public schools.
“Sana kung makokontrol halimbawa yung mga tinatawag nila dito na fraternity, hazing sa loob mismo yun lumabas sa mga balita na dahil diyan andaming namamatay, madami ding mga anomalya. Itong mga bagay na ito ikunsidera din sana lalong – lalo na sa pagpapatupad ng programang ito”.pahayag ni Father Secillano sa panayam ng Radyo Veritas.
Pinaalalahanan rin ni Father Secillano ang mga paaralan na ipakita ang kahandaan upang mamatyagan ang mga estudyante sa mga aktibidad na may kinalaman sa ROTC at maiwasan ang anumang uri ng anomalya na naidulot na nito sa nakaraan.
“Depende na iyon sa mga magpapatupad nito sa mga paaralan na sana i – insulate nga ito katulad ng hazing. Katulad ng corruption rin dapat ipakita nila ang kanilang kahandaan sa pagma – manage din ng resources nito,” giit pa ni Father Secillano sa Veritas Patrol.
Naitala taong 1995 ang ilan sa mga pinaka – delikadong fraternity sa bansa na nakapatay ng hindi bababa sa walo pababa kada taon dahil sa kaso ng “hazing.”
Ilan sa mga ito ay ang Tau Gamma Phi, Alpha Phi Omega, Scout Royal Brotherhood at PMA.
Samantala, sa katesismo ng Simbahang Katolika ang fraternity at sorority ay nagpapahayag ng malalim na pakikipagkapwa – tao at pagmamalasakit sa kapwa.