1,375 total views
Kinundena ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) ang karahasang patuloy na idinudulot ng hazing bilang bahagi ng initiation rites ng iba’t ibang mga fraternity sa bansa.
Sa pamamagitan ng opisyal na pahayag, iginiit ng COCOPEA ang hindi katanggap-tanggap na pagkamatay nina University of Cebu student Ronnel Baguio nooong Disyembre 2022 at Adamson University student John Matthew Salilig nitong Pebrero 2023 sa mga kamay ng mga miyembro ng kapatiran na nais nilang salihan.
“The Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA) condemns in the strongest terms the deaths of college students John Matthew Salilig and Ronnel Baguio, both of whom were reported to have died due to hazing allegedly conducted in relation to fraternity initiation rites.” Ang bahagi ng pahayag ng COCOPEA.
Ayon sa pamunuan ng COCOPEA na pinangungunahan ni COCOPEA Chairperson Engr. Bernard Nicolas E. Villamor na siya ring pangulo ng Philippine Association of Colleges and Universities (PACU) nararapat maparusahan ang mga nasa likod ng hazing.
Paliwanag ng COCOPEA dapat na mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ng mga mag-aaral na nagnanais lamang makibahagi sa isang kapatiran.
“COCOPEA joins the numerous calls for judicious action and investigation of these cases, in accordance with due process, so that justice may be served. We recognize the importance of upholding the dignity and self-respect of all persons, and strongly condemn all forms of harm or violence, whether it be physical or psychological, especially those that endanger the lives of students such as hazing.” Dagdag pa ng COCOPEA.
Iginiit ng COCOPEA na maipatupad ang Anti-Hazing Law at mabigyan ng mas malinaw na konsepto ang mga kabataan sa tunay na diwa at kahulugan ng pakikipagkapatiran.
Nanawagan naman ang COCOPEA sa iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan gayundin sa pamunuan ng mga unibersidad at mga paaralan na higit na maging mapagbantay sa mga organisasyon ng mga mag-aaral tulad na lamang ng mga fraternity na walang basbas o hindi otorisado ng mismong paaralan.
Ang Coordinating Council of Private Educational Associations ay binubuo ng Philippine Association of Colleges and Universities (PACU), Philippine Association of Private Schools, Colleges, and Universities (PAPSCU), Association of Christians Schools, Colleges, and Universities (ACSCU), Unified TVET of the Philippines, Inc. (UniTVET) at ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP).