508 total views
Kapanalig, nasusukat ba ang loyalty ng isang taon sa isang samahan sa pamamagitan ng hazing? Kailangang bang masaktan ka at mabugbog bago ka tawaging kapatid?
May biktima na naman ng hazing sa isang paaralan. May napaslang na naman sa ngalan ng kapatiran. Ilang kabataan pa kaya ang kailangang masaktan o mamamatay bago tuluyang mawaksi ang konsepto ng hazing sa ating lipunan?
Ang hazing, kapanalig, ay gawa kadalasan ng mga organisasyon, fraternities at sororities sa ating bansa. Proseso ito na pinagdadaanan ng mga baguhan sa isang grupo bago siya tuluyang matanggap dito. Ang hazing ay hindi lamang ukol sa nalalaman natin na pagpa-paddle ng mga hita ng mga kabataan. Maraming uri at porma ito na nagnanakaw ng dangal ng mga kabataan.
Alam mo ba, kapanalig, 1954 pa lang ay may natala ng kamatayan sa ngalan ng fraternity dito sa ating bayan. Diumanong binugbog ng mga miyembro ng Upsilon Sigma Phi si Gonzalo Mariano Albert. Pumutok ang kanyang appendix, at iniwan siyang namatay sa hospital. Ngayong linggo, isa namang estudyante ang namatay, at iniwan ang katawan sa isang liblib na lugar.
Napakahirap paniwalaan, kapanalig, na buhay pa rin ang hazing sa ating bayan. Napakahirap paniwalaan na may namamatay pa rin dito. At mas lalong napakahirap paniwalaan na kadalasan, ang mga nagsasagawa ng hazing ay mga bata pa – mga kapwa college students ng mga biktima.
Hindi sapat kapanalig, ang ating mga ginagawa upang mawaksi na sa ating lipunan ang hazing. Hindi lamang ito nangyayari sa mga premyadong unibersidad. Ito ay nangyayari rin sa mga komunidad. Maraming mga gangs at frat sa mga pamayanan ang gumagamit ng hazing bilang membership ticket sa kanilang samahan.
Ang anti hazing law sa ating bansa ay hindi sapat na balakid sa hazing. Kahit pa may batas na ganito sa ating bayan, patuloy at walang takot pa rin ang maraming mga organisasyon sa pagpapahirap sa kanilang mga recruits. Sa kanilang pag-iisip, karahasan ang paraan upang matawag kang kapatid. Sa dugo at paghihirap masusukat ang lalim ng kapatiran. Kapanalig, hindi lang batas ang kailangan natin upang mabago ang ganitong perspektibo. Kailangan na nito ng malawig at tuloy-tuloy na educational at awareness campaign upang mapamukha sa mga perpetrators ng hazing na mali, maling mali, ang kanilang ginagawa.
Gisingin sana tayo ng pahayag ni Pope John Paul II: Violence is a crime against humanity, for it destroys the very fabric of society.
Sumainyo ang Katotohanan.