166 total views
Ito dapat ang pangunahing programa ng pamahalaan sa pinaigting nitong kampanya laban sa talamak na kalakalan ng iligal na droga sa bansa.
Bagamat huli na, sinang – ayunan ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity ang paghimok ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga bilyonaryong negosyante sa bansa na tumulong sa pagpapatayo ng mga rehabilitation center para sa libu-libong drug surrenderers.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, responsibilidad ng mga negosyante na tugunan ang paanyaya ng pangulo dahil ito’y bahagi ng kanilang social responsibility.
Aminado naman si Bishop Pabillo sa magandang hangarin ng Pangulong Duterte sa pagpapatayo ng mga rehab centers ngunit itinuturing niya itong huli na dahil halos 5, 900 na ang namamatay sa kampanya kontra iligal na droga at hindi nabibigyan ng pagkakataon ang mga drug surrenderers.
Ipinaliwanag ng Obispo na hindi lamang sapat na may pasilidad kaya’t hinimok nito ang pamahalaan na magpatulong sa Simbahan at iba pang religious groups lalo na sa pagbibigay ng tamang spiritual rehabilitation program sa mga sumukong adik at pushers.
“Kaya’t hindi lang sapat na magkaroon ng rehabilitation centers, magkaroon rin ng tao na mamamahala nito at paraan kung papaano sila ma – rehabilitate. Ang masama lang dun napatay na ang marami tsaka lang manawagan ng rehabilitation, naniniwala pala sila sa rehabilitation bakit hindi kaagad tugunan na i – rehabilitate nila. Hindi lang basta – basta papatayin…Kung makakatulong sila mas mabuti bahagi naman iyon ng kanilang social responsibility,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Sa kasalukuyan, bukod sa Sanlakbay para sa Pagbabago program ng Archdiocese of Manila ay nagtatag din ang ibat-ibang Diocese ng Simbahan ng mga rehab centers na may kaakibat na livelihood programs para sa pamilya ng mga drug addict at pusher na sumuko sa pamahalaan.
Read:
http://www.veritas846.ph/nawawalang-espiritwalidad-dahil-sa-addiction-ibabalik-ng-simbahan/
http://www.veritas846.ph/faithbased-rehab-program-patuloy-sa-pagdami-dilg/
http://www.veritas846.ph/diocese-legazpi-umaapela-kay-pangulong-duterte-na-ipatigil-ang-ejk/
http://www.veritas846.ph/parokya-pinaka-ligtas-na-lugar-sa-drug-surrenderers/
Unang nagpasalamat si Pangulong Duterte kay Chinese businessman na si Huang Rulun na nagbigay ng 1.4-bilyong pisong pondo para sa construction ng 10, 000 – bed mega rehab center sa Nueva Ecija.