332 total views
April 27, 2020, 1:28PM
Nagbabala si Healing Priest Reverend Father Joey Faller ng Kamay ni Hesus sa Quezon province kaugnay sa isang text message na kumakalat na ginagamit ang kanyang pangalan sa pangangalap ng donasyon.
Ayon sa pari, ito ay malinaw na panloloko sa kapwa kaya’t mahigpit itong nagbabala sa mamamayan na huwag basta maniwala sa mga mensaheng natatanggap na walang beripikasyon mula sa taong sangkot dito.
“Nais ko lang pong ipaalam sa inyong lahat na may gumagamit po sa pangalan ng inyong lingkod Fr. Joseph ‘Joey’ Faller para po mag-solicit ng pera, fundraising daw po sa umano’y maysakit na tinutulungan ko; ito po ay isang malaking scam o panloloko at fake news po yang kumakalat na text,” pahayag ni Fr. Faller sa Radio Veritas.
Batay sa kumakalat na mensahe humihingi ng tulong ang isang indibidwal gamit ang pangalan ni Fr. Faller para tulungan ang batang kasalukuyang nagpapagamot sa ospital.
Nilinaw ni Fr. Faller na wala itong kinalaman sa naturang mensahe at hindi ito nangangalap ng pondo para sa maysakit.
“Wala po akong kinalaman sa anumang panghihingi ng pera para sa maysakit; huwag po tayong paloko sa masasamang tao,” saad ni Fr. Faller.
Binigyang diin ni Fr. Faller na tungkulin lamang nito ang ipanalangin sa Diyos ang kagalingan ng mga may karamdaman at hindi ito lumilikom ng pondo para sa pagpapaospital.
Unang nagbabala ang simbahang katolika kaugnay sa paggamit ng mga manloloko sa pangalan ng simbahan at ng mga lingkod nito para makapanloko at manlamang sa kapwa.
Mariing kinundena ng simbahan ang mga ganitong uri ng gawain lalo’t ito ay nakasisira sa imahe ng indibidwal o ng isang institusyon.
Dahil dito pinag-iingat ni Fr. Faller ang mamamayan kaugnay sa panloloko gamit ang cellphone o anumang uri ng panghihingi ng pera habang nanawagan ito sa lahat na ugaliing beripikahin ang bawat impormasyong natatanggap upang makaiwas sa panloloko.