151 total views
Patuloy ang mahigpit na pagsunod ng Arkidiyosesis ng Cebu sa pag-iingat laban sa COVID-19 transmission.
Ayon kay Cebu Archbishop Jose Palma, mahigpit nilang sinusunod ang mahigpit na panuntunan ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) at Local Government Units (LGU) upang maiwasan ang paglaganap ng COVID-19 sa Arkidiyosesis.
Sinabi ng Arsobispo bagamat nais na ng mga mananampalatayang personal na dumalo sa mga banal na pagdiriwang ay kanila pa ring hinihikayat na manatili sa mga tahanan at makibahagi sa online live streaming.
“As a general rule, we tell the priests to follow IATF and LGU regulations. ‘Yun ‘yung number one kasi we don’t want to bargain or to argue kasi we believe they know better. We try to explain to the people, yes, expressions of faith are important pero as regards to the studies and recommendations regarding care and how we can best observe health protocols, we follow IATF recommendations,” pahayag ni Archbishop Palma sa panayam ng Radio Veritas.
Pagbabahagi pa ni Archbishop Palma na palagi rin nilang ipinapaalala sa mananampalataya na panatilihin ang minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face masks at face shields, maging ang pagsunod sa social distancing tuwing dadalo sa mga banal na pagdiriwang.
Iginiit ng Arsobispo na kahit na kumpleto na sa COVID-19 vaccine, dapat pa ring sundin ang health protocols na ito upang mapanatili ang kaligtasan sa COVID-19.
“Even before the Mass, we tell the people, please wear masks. Ako nga dalawang beses na akong na-vaccinate, I still wear a mask. You have received the vaccinations, you still need to wear masks… Generally, we do wear mask and then social distancing as much as possible,” saad ng Arsobispo.
Ibinahagi rin ni Archbishop Palma, na siya ring Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Permanent Committee on International Eucharistic Congress, ang patuloy na pamamahagi ng tulong at suporta sa mga higit na nangangailangan na higit ring apektado ng umiiral na krisis dulot ng pandemya.
“We continue sharing, especially feeding programs that we can do just to help, especially those who find the pandemic a challenging situation with regards to food availability,” ayon kay Archbishop Palma.
Batay sa huling tala ng Department of Health, umabot na sa 56,452 ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Cebu kung saan naitala rito ang 68 panibagong kaso.