436 total views
Kapanalig, kahit pa may kaunti kang ipon, kahit pa nga mayaman ka na, ang kahirapan o poverty ay laging naka-antabay lamang. Isang tao lamang ang magkasakit sa inyong pamilya, maaaring malimas ang naipon at naipundar mo sa mahabang panahon. Ganyan kabigat ang health care sa ating bansa. Sa mahal ng lunas at gamot, lagi kang maaring mahulog sa makapit na bitag ng kahirapan.
Marami nga sa atin, nagtitiis na lang sa sakit kaysa magpatingin sa doctor. Gastos kasi agad, kapanalig, kahit sa konsultasyon pa lamang, at hindi naman agad agad nabibigyang lunas ang mga dinadaing na sakit sa katawan. Pumupunta na lamang sa doctor o hospital ang marami nating mga kababayan kapag hindi na kayang tiisin ang mga nararamdamang sakit, o di kaya, hindi na maitago o nakaka-abala na ang mga sugat o bukol na natubo sa kanilang katawan. Kaya’t kadalasan, sa halip na makatipid, mas malaki na ang problema kapag nagpunta na sila sa doctor.
Dito pa sa bansa natin, marami ang informal workers. Sakto lang ang sweldo kada araw. Kapag hindi pumasok, kailangan ng mangutang. Kaya’t kapag nagkasakit sila, o di kaya nagpatingin sa doctor, mula na sa utang ang panggastos nila.
Mainam sana na may health insurance ang mga mamamayan natin. Maswerte ang mga nasa pormal na sektor dahil maliban sa PhilHealth, may mga medical insurance din ang kanilang mga opisina. Bawas ang kanilang gastos kapag sila ay nagkasakit o kahit pa kaanak nila. Pero para sa malaking bahagi ng ating populasyon, PhilHealth lamang ang kanilang salbasyon sa gastos sa doktor o ospital. Pero sa laki ng gastos sa health care sa bansa, lalo na kapag seryoso o malala ang sakit, kulang na kulang ang coverage ng PhilHealth. Tinatayang sagot pa rin ng mamamayan ang 44.7% ng kanilang health expenditures. Kung maralita ka at fixed o maliit ang sweldo mo kada araw, mahirap tustusan ang gastos sa pagkakasakit.
Kapanalig, kung gagamitin lamang ng pamahalaan ang bahagi ng tax revenues nito para taasan ang budget nito para sa kalusugan, gagaan ang pasanin ng maraming mamamayan at mas lulusog pa sila at mas makaka-ambag sa paglago ng bayan. Dapat unahin ng pamahalaan ang budget para sa kalusugan ng mamamayan, kaysa sa mga gastusin gaya ng confidential funds. Hindi ata naiisip ng ating mga pinuno na ang pagkakalinga sa kalusugan ng tao ay input din o puhunan, na malaki ang bentahe hindi lamang para sa mga mamamayan, kundi para sa bayan.
Ang kalusugan ng tao ay integral sa kanyang dignidad. Tinatawag tayo ng pananalig na kilalanin ito sa ating lipunan. Kailangan, kongkretong makita sa ating mga batas at polisiya, na atin itong pinangangalagaan. Paalala ng Evangelium Vitae: The dignity of each human person and the pursuit of the common good are concerns which ought to shape all economic policies.
Sumainyo ang Katotohanan.