223 total views
Patuloy na ipinapanalangin ng Diocese of Baguio ang kaligtasan at ikabubuti ng kalusugan ng mga mamamayan at manggagawa, higit na ang mga kabilang sa sektor ng turismo.
Ito ang pagbabahagi ni Baguio Vicar General Father Berlynden Dao-Anis, kaugnay ng pagluluwag ng pamahalaan sa mga patakaran sa sektor ng turismo.
“We pray health, healthy living parin and yun nga po para makaahon somehow sa epekto ng pandemyang ito,” ayon sa panayam ng Radio Veritas sa Pari.
Sa February 10 ayon sa Department of Tourism (DOT) ay hindi na kakailanganin pang sumailalim ng mga Fully Vaccinated na Banyagang Turista sa quarantine procedures, kaakibat ito ng pagkakaroon nila ng mga negatibong swab test results ng COVID-19 na kinuha sa loob ng 48-oras sa bago magtungo sa Pilipinas.
Pagbabahagi ni Father Dao-Anis ang katiyakan na pinag-aralan ng pamahalaan ang hakbang bago pairalin.
Kasabay ito ng apela na sa kabila ng pagluluwag ng panuntunan ay mananatili parin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga health protocols upang mapangalagaan ang bawat isa.
“Atleast more or less napag-aralan din po ng pamahalaan yan, ng government, so with that I think i-establish parin yung minimum health protocols na masusunod,” ayon pa sa Pari.
Batid din ni Father Dao-Anis ang kahalagahan ng panunumbalik ng sigla ng turismo sa Pilipinas.
Ito ay upang makabangon ang mga manggagawa at negosyong kabilang sa tourism sector na nalugi ng dahil sa naunang mahihigpit na panuntunan dahil sa banta ng COVID-19.
“They really have to go into that as well kasi nga yun nga po, madami din actually ang naapektuhan ng kabuhayan isa yung tourism industry so kailangan din talagang makabangon din,” pagbabahagi pa ng Pari.
Kilala ang Baguio City bilang “Summer Capital of the Philippines” na isa sa mga sikat na tourist spot sa bansa.
Tulad ng ibang pook pasyalan ay nakaranas narin ng ibat-ibang suliranin at pagkalugi ang siyudad, ayon sa mga naunang pag-uulat ni Baguio Mayor Benjamin Magalong, umabot sa mahigit 3.5-Billion pesos ang ikinaluging halaga ng sektor ng turismo sa lugar ng dahil sa pandemya.