243 total views
March 13, 2020, 11:27AM
Ipinapanalangin ng Obispo ng Tagbilaran ang mga health workers na nangunguna sa paglaban sa corona virus disease 2019 sa pamamagitan ng pagbibigay atensiyon sa mga nagtataglay ng naturang sakit sa buong mundo.
Dalangin ni Bishop Alberto Uy ang kalakasan ng pangangatawan at kalusugan ng mga manggagamot, nurse at iba pang kawani ng mga ospital, at quarantine areas na tumutugon sa pangangailangan ng mga pasyente at mga may sintomas ng COVID 19.
“Lord we pray for all health care providers. Please keep them safe, healthy, strong and joyful,” pagbabahagi ni Bishop Uy.
Ilang doktor na rin ang naitalang nasawi sa iba’t ibang bahagi ng mundo dahil sa naturang virus habang daan – daang medical personnel ang sumailalim sa quarantine makaraang makasalamuha ang mga taong nagtataglay ng virus.
Una nang ipinanalangin ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat isa para sa kaligtasan mula sa virus habang patuloy na naghahanap ang mga eksperto ng lunas para sa COVID 19.
Sa Pilipinas tinutugunan din sa iba’t ibang pagamutan ang higit 50 infected kung saan lima na ang nasawi dahil sa komplikasyon habang higit sa pitong daan ang patuloy na inoobserbahan.
Samantala naitala ng World Health Organization na higit sa 130, 000 na ang kaso ng COVID sa isandaang mga bansa halos limang libo dito ang nasawi at halos pitumpong libo naman ang gumaling na mula sa karamdaman.
Nanawagan ang Simbahang Katolika sa bawat mananampalataya na pag-ibayuhin ang pag-iingat at sundin ang panawagan ng mga eksperto upang makaiwas sa naturang sakit.