310 total views
Magandang balita sa mga Deboto ni St. Padre Pio dahil sa nakatakdang pagdalaw ng ‘Heart Relic’ ng Santo sa Pilipinas sa buwan ng Oktubre 2018.
Ayon kay Fr. Leonido Dolor, Vice Rector St. Padre Pio Shrine sa San Pedro, Santo Tomas Batangas, dadalaw ang relikya sa iba’t-ibang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao.
“There is a relic of ST. Padre Pio going around now, Authentic relic ‘yan but we would like to say na that is not the ‘Heart Relic’. Kasi ang ‘Heart Relic’ ang dating pa dito sa atin ay sa October. Dadating ng gabi ng October at mag-stay here until October 26,” ayon kay Fr. Dolor.
Kaya’t inaanyayahan ang mga mananampalataya na bisitahin ang relikya sa mga lugar kung saan ito magtutungo.
Sa October 6 hanggang 7 mananatili ito sa Padre Pio National Shrine sa Batangas at magtutungo sa Manila Cathedral Basilica of the Immaculate Concepcion simula ika-8 hanggang ika-10 ng Octubre.
Dadalhin din ang relikya ni Padre Pio sa Cebu Metropolitan Cathedral ika-11 hanggang ika-13 ng Oktubre; sa San Pedro Cathedral sa ika-16 ng Oktubre, Davao Cathedral sa ika-14 hanggang ika-16 at sa Metropolitan Cathedral ng San Sebastian o Lipa Cathedral sa ika-17 ng Oktubre.
Babalik ito ng Padre Pio Shrine sa ika-18 hanggang sa araw ng kaniyang pag-alis sa ika-26 ng Oktubre.
“It will be open 24-7 sa mga Devotees and people who would want to Venerate the heart relic which is uncorrupted heart of Saint Padre Pio,” ayon pa kay Fr. Dolor.
Si Francesco Forgione o mas kilala bilang si Padre Pio ng Pietrelcina, Italya ay isang Capuchin priest na naging tanyag dahil sa pagtataglay ng ‘Stigmata’ sa mahabang panahon ng kaniyang buhay.
August 10, 1910 si Padre Pio ay inordinahang pari, taong 1918 nang taglayin nito ang ‘stigmata’ o mga sugat na tulad ng tinamo ni Hesus at nagtagal ito sa kaniyang katawan sa loob ng 50 taon.
Si Padre Pio ay namayapa taong 1968 sa edad na 81 at idineklarang Santo ng nooy si Pope John Paul II taong 2002.
Tinatayang may 8 milyong deboto kada taon ang dumarayo sa Giovanni, Rotondo kung saan nakahimlay ang ‘Hindi nabubulok na labi’ ni Padre Pio.