34,574 total views
Hinamon ni San Carlos Bishop Gerardo Alminaza ang mga mananampalataya na pagnilayan at ibahagi sa kapwa ang pag-ibig ng Diyos ngayong Kuwaresma.
Ayon kay Bishop Alminaza, ang walang katumbas na pag-ibig ng Panginoong Hesus ang naging dahilan upang Kanyang ialay ang sarili para sa katubusan ng sanlibutan mula sa kasalanan.
Ito ang mensahe ng obispo kaugnay sa pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma, hudyat ng paghahanda sa paggunita sa pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ng Panginoon, na maituturing ding simbolo ng pagpapahayag ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan.
“The convergence of these observances offers us a profound moment to reflect on the nature of love — not just the romantic love we often associate with Valentine’s Day, but the agape love that Christ teaches us: unconditional, sacrificial, and encompassing all creation,” pahayag ni Bishop Alminaza.
Panawagan naman ni Bishop Alminaza, na siya ring vice chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace, na ngayong Kuwaresma nawa’y pagnilayan din ang mga usapin at alalahaning makakaapekto para sa kapakanan ng kalikasan at mga susunod na henerasyon.
Paliwanag ng obispo na ito’y paanyaya sa bawat isa upang higit na maunawaan ang kahulugan ng tunay na pag-ibig na nagpapakita ng paggalang sa karapatan at pagsasaalang-alang sa ikabubuti ng kapwa.
Umaasa si Bishop Alminaza na magsilbing inspirasyon ang pag-ibig ng Panginoon upang higit na itaguyod ang magkakatuwang na paninindigan para sa kabutihan ng nakararami, katarungang pang-ekonomiya, at pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.
“Let us remember that we are called to a love that sacrifices, that shares, and that safeguards the welfare of all, especially the least among us. May this Lenten season be a time of meaningful reflection, heartfelt conversion, and a rekindled commitment to live out the radical, self-giving love that Christ himself has shown us,” ayon kay Bishop Alminaza.