96,295 total views
Ang Pilipinas, bilang isang arkipelagong bansa, ay madalas na nakakaranas ng iba’t ibang kalamidad na dulot ng pagbabago ng klima. Isa sa mga pangunahing suliranin na kinakaharap natin ngayon ay ang matinding init o heatwave. Ka-alternate naman nito, kapanalig, ay ang malawakang pagbaha naman sa iba-ibang parte ng ating bansa, kahit pa walang bagyo. Ang dalawang ito ay may malawak at malalim na epekto sa ating kalikasan, ekonomiya, at sa pang-araw-araw na pamumuhay ng bawat Pilipino. Mahalagang pagtuunan natin ng pansin ang mga sanhi, epekto, at ang mga posibleng solusyon upang mabawasan ang pinsalang dulot ng mga kalamidad na ito.
Ang heatwave ay isang matinding pagtaas ng temperatura na nagtatagal ng ilang araw o linggo. Ang pangunahing sanhi nito ay ang global warming o pag-init ng mundo na dulot ng mataas na antas ng greenhouse gases sa atmospera. Sa Pilipinas, ang mga heatwave ay nagdudulot ng iba’t ibang problema tulad sa kalusugan. Ang matinding init ay maaaring magdulot ng heatstroke, dehydration, at iba pang sakit na may kinalaman sa init. Ang mga matatanda, bata, at mga may sakit sa puso ay partikular na bulnerable sa ganitong kondisyon.
Nagdadala din ito ng matinding problema sa agrikultura. Ang matinding init ay nagdudulot ng tagtuyot na sumisira sa mga pananim at nagpapababa ng ani. Ito ay nagdudulot ng kakulangan sa pagkain at pagtaas ng presyo ng mga produkto.
Malaking hamon din ito sa energy sector. Ang mataas na demand sa kuryente para sa pagpapalamig (air conditioning) ay nagiging sanhi ng power outages o pagkawala ng kuryente, na nagpapahirap sa buhay ng mga mamamayan at nagpapababa sa produktibidad ng mga negosyo.
Ang malubhang pagbaha naman ay karaniwang dulot ng matinding pag-ulan, bagyo, at pagtaas ng antas ng dagat. In recent years, mga kapanalig, nakikita natin na kahit thunderstorms pa lamang, mataas na ang baha sa maraming lugar na tumutukod ng traffic, nagpa-pastranded sa napakaraming commuters, at nagpapahirap sa maraming mga residente.
Sa Pilipinas, ang mga pagbaha ay nagdudulot ng pinsala sa ari-arian. Ang mga baha ay sumisira sa mga tahanan, imprastraktura, at mga kagamitan. Ito ay nagdudulot ng malaking gastos sa rehabilitasyon at recovery. Nagdudulot ito ng pagkawala ng buhay. Maraming tao ang nawawalan ng buhay dahil sa pagkalunod, pagguho ng lupa, at iba pang aksidente na dulot ng pagbaha. Nakakaapekto rin ito sa ekonomiya. Ang malalaking pagbaha ay nagdudulot ng pagkaantala sa trabaho, negosyo, at transportasyon. Ito ay nagpapababa sa kita ng mga tao at ekonomiya ng bansa. Ang mga baha ay nagdudulot ng pagkalat ng iba’t ibang sakit tulad ng leptospirosis, dengue, at iba pang waterborne diseases.
May mga magagawa tayo upang malabanan ang mga hamong dulot ng heat wave at malubhang pagbaha sa ating bayan. Isa na rito ay ang reforestation at green spaces. Ang pagtatanim ng mga puno at pagpapanatili ng mga green spaces ay makakatulong upang mapababa ang temperatura at maiwasan ang pagbaha. Ang mga puno ay nakakatulong sa pag-absorb ng tubig at pagpapababa ng init sa paligid.
Kailangan din maisa-ayos ang imprastraktura. Kailangang maayos ang sewage, drainage, at sanitation systems sa ating urban areas. Kabilang din dito ang pagpapatibay ng mga dam, at flood barriers. Ang ating mga waterways, creeks, tributaries at mga ilog ay kailangang malinis, tanggal ang basura na bumabara sa kanilang pagdaloy.
Ang pagkakaroon din ng maayos na sistema ng maagang babala at paghahanda sa mga kalamidad ay makakatulong upang mabawasan ang pinsala. Kasama dito ang edukasyon sa publiko tungkol sa tamang paghahanda at pag-responde sa mga kalamidad. Kailangang may paunang babala hindi lamang sa lakas ng ulan kundi sa mga lugar na maaaring bahain.
Ang heat wave at malubhang pagbaha ay dalawang pangunahing hamon na lagi nating kinakaharap sa ngayon. Ang mga ito ay may malawakang epekto sa kalusugan, ekonomiya, at kalikasan ng bansa. Ang tamang kaalaman, disiplina, at pakikipagtulungan ay susi upang mapanatili ang kaligtasan at kaginhawahan ng bawat Pilipino. Hindi makatao o makatarungan na lagi natin itong nararanasan at hindi man lang natin nilapatan ng maayos na solusyon taon-taon.
Kapanalig, lahat tayo, bilang Kristyanong Katoliko, ay tinatawag ng Diyos na pangalagaan ang kapaligiran natin, ng nag-iisang tahanan nilikha niya para sa atin. Ayon sa United States Conference of Catholic Bishops, “We show our respect for the Creator by our stewardship of creation. Care for the earth is not just an Earth Day slogan, it is a requirement of our faith. We are called to protect people and the planet, living our faith in relationship with all of God’s creation.”
Sumainyo ang Katotohanan