386 total views
June 26, 2020-12:57pm
Patuloy ang ginagawang paghahanda ng simbahan ng Novaliches para sa inaasahang pagtatapos ng umiiral na General Community Quarantine.
Ayon kay Novaliches Bishop Roberto Gaa ang kasalukuyang community Quarantine o GCQ ay naging pagkakataon ng bawat Parokya para sa isinasagawang recruitment ng mga bagong maglilingkod sa simbahan bilang mga Eucharistic minister, Lector at Commentator.
“Ang nangyari po ay they intensify ang drive na mag-recruit ng mga mas bata. ‘Yan po ang ginagawa ngayon, intensified recruitment at saka ang orientation and formation ng bagong volunteers,” ayon kay Bishop Gaa sa programang Pastoral Visit on-the-air ng Barangay Simbayanan.
Paliwanag ni Bishop Gaa na base sa ginawang survey ng bawat Parokya may 40 porsiyento ng mga church volunteers ay pawang mga senior citizen.
Sa umiiral na quarantine, hindi pinapayagan ang mga matatanda, bata at mga may sakit na lumabas ng tahanan dahil na rin sa panganib na mahawa ng novel coronavirus.
Ang mga bagong recruit ay sasailalim muna sa orientation at formation para sa kanilang bagong tungkulin ng paglilingkod.
Tiniyak naman ni Bishop Gaa, bagama’t nasa GCQ pa ang kalakhang Maynila kung saan nakapaloob ang Novaliches ay bukas pa rin ang mga Parokya sa pagdaraos ng misa sa kabila ng limitadong bilang ng maaring dumalo.
“Dahil sa GCQ pa rin at ang ina-allow lang ng IATF ay sampu lamang. So bukas pa rin po ang simbahan kahit for 10 people at sinusunod ang lahat ng protocols bago pumasok,” ayon kay Bishop Gaa.
Sa pagtatapos ng GCQ ay posibleng magsimula na ang MGCQ kung saan papayagan na ang 50-porsiyento ng kabuuang kapasidad ng simbahan ang pahihintulutan na pumasok sa mga parokya.