175 total views
Nasa higit 2,000 o 2, 461 na indibidwal pa rin ang nasa siyam na evacuation centers sa Bulacan dahil na rin sa labis na pag-ulan na epekto ng Habagat nitong nakalipas na mga araw.
Ayon kay Fr. Efren Basco, social action center director ng Diocese of Malolos, lubog sa baha ang mga bahay ng mga evacuees na nagmula sa mga bayan ng Balagtas, Marilao, Calumpit at Meycawayan.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Fr. Basco na dahil sa pagtutulungan ng local government units, non government organizations at Simbahan, napapakain naman ang mga evacuees sa mga bisita, paaralan, barangay hall at mga complex na ginawang evacuation centers.
“Una napakaganda ng relasyon ng LGU’s mga barangay, NGOs at mga rescue team maging ang Simbahan nagtutulungan lalo na at taon-taon naman ganito ang sitwasyon natin dito, dahil hindi lang tayo pag respond, nagsumikap na tayo, may communities tayong inihanda pero di pa ganun ganap sa pagsasanay sa mga tao lalo na mga vulnerable areas,” pahayag ni Fr. Basco sa panayam ng Radyo Veritas.
Tatlong bagyo ang pumasok sa PAR nitong Hulyo kung saan tinatayang nasa higit 20 bagyo ang pumapasok sa bansa kada taon, ilan dito ay mapaminsala gaya ng typhoon Yolanda na kumitil ng higit 7 libong buhay at 16 na milyong indibidwal ang naapektuhan na naging dahilan ng pagbisita ni Pope Francis sa bansa para personal na iparamdam ang awa at habag ng Panginoon.