163 total views
Inilunsad ng Diocese of Novaliches ang kauna – unahan nitong parochial rehabilitation program sa mga drug surrenderees na sakop ng Our Lady of Lourdes Parish sa Brgy. 174, Camarin, Caloocan City.
Ayon kay Rev. Fr. Luciano Feloni, kura paroko ng parokya, dahil sa kapabayaan ng komunidad lalo na ng barangay ay dumami ang bilang ng mga drug users at pushers kaya’t naniniwala siya na ang komunidad rin ang gagawa ng solusyon.
“Iisa tayo sa campaign ng gobyerno sa droga. Full support tayo na kailangan talagang pulbusin ang droga. Iba ang support natin tiwala ako na dahil pumalpak tayo bilang society kaya may problema ng droga. Hindi mo maituturo sa isang tao ang problema sa droga. Ang kakulangan bilang society ang solusyon manggagaling rin sa atin,” bahagi ng pahayag ni Fr. Feloni sa panayam ng Veritas Patrol.
Paliwanag pa ni Fr. Feloni, tungkulin ng Simbahan ang spiritual formation ng nasa mahigit 40 sumerender sa kanilang barangay upang mabigyan ang mga ito ng panibagong buhay at matinong hanapbuhay.
“The police will do their part. Magpapatupad ng batas ang kanilang trabaho. Formation of the heart and the soul ang trabaho ng Simbahan. Yung academe iba din ang kanilang punto de vista. Kung hindi tayo magkaisa at magkanya-kanya walang mangyayari. Kaya is not against the government this is how to help the government to do the job. Once na sumurender yung tao napakaganda dala ng takot talagang susurender yan. Paano pagalingin yan ang layunin kung paano mo pagalingin. Sa dami hindi kakayanin ng gobyerno tulong ang Simbahan doon. May expertise ang Simbahan, may tulong ang city government, may tulong ang barangay. Kailangan nating magsama – sama para mabigyan ng solusyon,” paliwanag pa ni Fr. Feloni sa Radyo Veritas.
Inihayag pa ng pari na daraan sa 6 hanggang isang taong holistic at in-barangay rehabilitation ang mga sumukong drug users and pushers sa kanilang komunidad.
Siniguro naman ni Fr. Feloni ang kaligtasan ng mga nagsisukong drug surrenderees sa pakikipagtulungan ng pulisya.
Sa kasalukuyan, nasa mahigit 40 na ang drug surrenderees.