3,331 total views
Ito ang mensahe ni Fr. Victor Emmanuel Clemen, Kura Paroko ng Banal na Sakramento Parish sa Talipapa, Quezon City sa pagdalaw ng pilgrim image ng Our Lady of the Rosary La Naval de Manila sa District 6 ng lungsod nitong October 3.
Ayon sa pari, sa mga pagkakataong nahaharap sa anumang pagsubok ang sambayanan ay higit nararamdaman ang mapagkalingang paglingap ng Birheng Maria.
“Ang pagkakaroon ng mas malalim na debosyon sa Mahal na Birhen ay mas maglalapit sa atin kay Hesus. Bilang ina ng sanlibutan patuloy tayong ginagabayan at hindi pinababayaan ni Mama Mary, huwag tayong mawalan ng pag-asa sapagkat dala ng Birheng Maria si Hesus ang liwanag at pag-asa natin,” pahayag ni Fr. Clemen sa Radio Veritas.
Malugod na tinanggap ng distrito ang imahe sa isinagawang El Recorrido de la Virgen bilang isa sa mga tampok na gawain sa pagdiriwang ng ika – 50 anibersaryo ng deklarasyon ng Our Lady of the Rosary La Naval de Manila bilang pintakasi ng Quezon City.
Ayon naman kay Quezon City Sixth District Representative Marivic Co-Pilar, sagisag ng pag-unlad ng bayan ang patuloy na pagtutulungan ng simbahan at pamahalaan sa mga gawaing makatutulong sa paghubog ng pananampalataya.
“Napakahalaga ng pagtutulungan ng sambayanan, ang simbahan at pamahalaan. Ito ay sagisag ng pag-angat ng ating bansa kailangan ang pagtutulungan at kailangan ang maigting na pananampalataya sa Panginoon,” pahayag ni Pilar.
Tinukoy ng mambabatas ang kasaysayan ng Birhen ng La Naval na namagitan sa nangyaring paglusob ng mga kaaway noong 1646 kaya’t napagtagumpayan ng mga mandirigma ang karahasan.
Bukod pa rito sinabi ni Pilar na mahalaga ang pagpapalalim sa debosyon at pananampalataya ng mga namumuno sa bayan sapagkat ito ay isang misyong iniatang ng Panginoon na paglingkuran ang bayan.
“Naniniwala ako na ang mga leader na God fearing ay good leader dahil ang kanyang pananampalataya ay magpapahiwatig ng kanyang tapat na pagsiserbisyo sa taumbayan,” ani Pilar.
Binasa naman ni Councilor Ellie Juan ang Quezon City Resolution sa pagkilala ng Our Lady of La Naval bilang patron ng lungsod, gayundin ang Papal Bull ni St. Pope Paul VI na binasa ni Fr. Clemen habang ang Act of Consecration na pinangunahan ni Representative Pilar.
Mananatili ang imahe ng Mahal na Birheng Maria sa Silvina Covered Court sa Talipapa, QC hanggang October 4 kung saan inaasahan ang pakikibahagi ng mga barangay na bahagi ng District 6 sa magdamagang gawain tulad ng pagdarasal ng Santo Rosaryo.
Sa October 7 ipagdiriwang ng lungsod ang kapistahan sa isang misa sa alas sais ng hapon sa Quezon City Memorial Circle kaya’t inaanyayahan ang mamamayang makiisa sa gawain.