171,243 total views
Mga Kapanalig, dahil sa walang tigil na pag-ulan, gumuho ang bahagi ng Mt Diwata na nakapaloob sa mga bayan ng Monkayo at Maragusan sa probinsya ng Davao de Oro. Dalawang linggo na ang nakararaan nang matabunan nang buhay ang hindi bababa sa sampung katao sa mga lugar na iyon. Limang bata ang kabilang sa mga nasawi.
Kilala ang Mt Diwata, na tinatawag ding Diwalwal ng mga tagaroon, na isang mining area. Ginto ang pangunahing minerál na matatagpuan sa bundok kaya naman tinagurian itong “golden mountain”. Pinaniniwalaang isa ang Mt Diwata sa mga may pinakamalaking deposito ng ginto sa buong mundo. Pagmimina at pagpoproseso ng ginto ang pangunahing kabuhayan ng mga kababayan natin doon. Tinatawag silang small-scale miners. Dala ng matinding kahirapan sa lugar, hindi na alintana ng mga tao roon ang panganib ng pagguho ng lupa o landslide. Batid na ng mga pamilya at ng lokal na pamahalaang landslide ang susunod na mangyayari kapag tuluy-tuloy ang ulan. Maraming buhay na nga ang nawala dahil sa mga pagguhong ito.
Maliban sa panganib sa buhay na dala ng landslide, pinsala rin sa kalikasan ang dulot ng unregulated na gold processing sa Mt Diwata. Ang ilegal at delikadong paraan ng pagmimina ng ginto ay nagdulot na ng polusyon sa tubig. Gumagamit kasi ang mga nagmimina ng mercury at cyanide upang palitawin at ihiwalay ang ginto mula sa lupa at bato. Lason sa tubig ang mga kemikal na ito.
Upang mabawasan ang panganib na dala ng mercury at cyanide, nagpatayo noong 2015 ang Department of Science and Technology (o DOST) sa Davao de Oro ng isang mineral processing plant. Doon dinadala ng mga tao ang kanilang namina para maiproseso nang maayos at ligtas. Ayon pa sa DOST, mas malaki raw ang kinikita ng mga small-scale miners na gumagamit ng ipinatayo nitong mineral processing plant.
Gayunman, hindi pa rin lubusang nahihinto ang mga small-scale mining operations sa Mt Diwata. Henerasyon na nga ng mga pamilya roon ang umaasa sa pagmimina para sa kanilang kabuhayan. Marami pa rin ang tila handang isugal ang kanilang buhay kapalit ng ginto. Mukhang hiráp ang gobyernong mag-alok ng alternatibong kabuhayan sa mga taga-Diwalwal. Noong Oktubre, sinabi pa nga ng Department of Environment and Natural Resources (o DENR) na gagawin nitong pormal ang small-scale mining. Dapat nang magparehistro ang mga small-scale miners para daw mas maproteksyunan ang mga nagmimina. Maiiwasan din daw ang paglabag nila sa mga batas pangkalikasan.
Ilang insidente pa ng pagguho ng lupa at ilang buhay pa ang kailangang mawala bago natin tuluyang iwan ang pagmimina? Maliit man o malaki ang mga mining operations, malinaw ang masamang epekto ng pagmimina sa kalusugan at kaligtasan ng tao. Hindi na rin maibabalik ang nasirang kalikasan na resulta ng mga paghuhukay at paggamit ng kemikal sa pagpoproseso ng mga tipak ng lupa at bato. Sa maraming minahan, hindi na nakikita ang lupa, kabundukan, at tubig na, sabi nga ni Pope Francis sa Laudato Si’, parang masuyong yakap ng Diyos.
Totoong malaking hamon ang hikayatin ang mga taga-Diwalwal na iwan ang pagmimina lalo na’t hindi marahil malaki ang kikitain nila sa ibang kabuhayan katulad ng pagtatanim. Bihira din sa kanila ang may sapat na pinag-aralan upang makapagtrabaho o magsimula ng negosyong hindi mapanganib at hindi nakapipinsala sa kalikasan. Siguradong may mga nananamantala rin sa kanilang kahirapan. Gayunman, kung higit sa ginto ang halaga para sa atin ng buhay ng tao at ng ating kalikasan, hindi imposibleng ihinto ang pagmimina.
Mga Kapanalig, “sinira na ang daigdig ng mga naninirahan dito,” wika nga sa Isaias 24:5. Huwag na nating hayaang dumami pa ang magdusa dahil sa kasamaang ginagawa natin sa kalikasan.
Sumainyo ang katotohanan.