166,947 total views
Mga Kapanalig, “catastrophe” o malaking sakuna ang maaari daw mangyari kapag maisabatas ang panukalang dagdagan ng isandaang piso ang daily minimum wage sa ating bansa.
Iyan ang babala ng isang grupo ng mga negosyante habang kanilang tinututulan ang Senate Bill No. 2354. Ang panukalang batas na ito, na inaprubahan na ng Senado noong isang linggo, ay mag-oobliga sa lahat ng mga negosyanteng nag-eempleyo ng mga tinatawag na minimum wage workers na taasan ang kanilang natatanggap na suweldo. Giit ng grupo, masyadong mabigat ang isandaang pisong dagdag sa suweldo. Magdudulot daw ito ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Baka mapilitan din daw ang maliliit na negosyong magbawas ng manggagawa o tuluyan nang magsara dahil hindi nila kakayanin ang umento sa sahod.
Kapag itataas daw ang suweldo ng mga minimum wage workers nang hindi isinasaalang-alang ang kita o profit ng mga employers, mapipilitan ang mga negosyanteng ipasa ang karagdagang gastos na ito sa mga mamimili ng kanilang mga produkto o serbisyo. Dehado rito ang mga walang employer dahil sila ang pinakamaaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Huwag na raw sanang lumikha ang mga mambabatas ng bagong problema para lamang tugunan ang pangangailangan ng minorya ng ating mga manggagawa.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), hindi bababa sa tatlong milyong Pilipino ang minimum wage earners. Isang milyon sa kanila ay nandito sa Metro Manila at tumatanggap sila ng arawang sahod na ₱610. Kung may pamilya kang sinusuportahan, sasapat ba ang halagang ito para tustusan ang mga pangangailangan ninyo katulad ng pagkain, kuryente, tubig, at upa sa bahay? Hindi pa natin pinag-uusapan ang mga miyembro ng pamilyang kailangang magpagamot o nag-aaral pa.
Sa liit ng sahod ng mga minimum wage earners, hindi na nakapagtataka kung marami sa kanilang may sideline. Gumagawa sila ng ibang trabaho o mapagkakakitaan para madagdagan ang pantustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya. Napipilitan din ang iba pang miyembro ng pamilya—kahit pa ang mga bata at nakatatanda—na kumayod para may maiambag sa kanilang panggastos sa araw-araw. Sa huling pagkukuwenta ng PSA, ang isang pamilyang may limang miyembro ay hindi maituturing na mahirap kung mayroon silang ₱13,797 kada buwan. Kailangang kumayod ang isang minimum wage earner araw-araw upang manatiling mas mataas sa halagang ito ang mayroon ang kanyang pamilya at hindi maging mahirap sa mata ng gobyerno.
Matagal nang isinusulong ng Simbahan, sa pamamagitan ng mga panlipunang turo nito, ang pagkakaroon ng tinatawag na living wage. Ang living wage, sa madaling salita, ay ang kitang kailangan ng isang manggagawa upang masuportahan ang kanyang sarili at kanyang pamilya. Sa mga nagsasabing dapat hayaan ang merkadong magtakda ng sahod ng mga manggagawa, tumugon si Pope John XXIII sa Mater et Magistra at sinabing dapat itong nakasang-ayon sa katarungan (o justice) at patas na pagbabahaginan (o equity). Ang sahod ay hindi dapat idikta lang ng mga makapangyarihan—kabilang ang mga namumuhunan at kumikita. Dito sa ating bansa, hindi ito sana ginagamit ng mga pulitikong nais lamang magpapogi, ‘ika nga, sa mga botante.
Ang suweldong napakababa ay hindi nakabubuhay. Ngunit ito ang katotohanan para sa napakaraming Pilipino, minimum wage earners man o mga nasa impormal na sektor, kung saan paiba-iba ang kinikita ng mga manggagawa.
Mga Kapanalig, nakasentro sana—at dapat—ang pagtalakay sa isyu ng sahod sa kapakanan ng mga manggagawa, sa kanilang dignidad bilang tao. Oo, karapatan ng mga negosyong kumita, ngunit hindi ito ang pangunahing batayan ng karapatan sa makatao at nakabubuhay na sahod ng mga manggagawa. Sabi nga sa Roma 4:4, “Ang ibinibigay sa taong gumagawa ay hindi itinuturing na kaloob, kundi kabayaran.”
Sumainyo ang katotohanan.