1,439 total views
Mga Kapanalig, ano ang unang sumasagi sa isip ninyo kapag sinabi ang salitang “katutubo”? Marahil, para sa ilan sa ating lumaki at sanáy sa buhay sa lungsod, ang mga “katutubo” ay ang mga kababayan nating malayo sa kabihasnan at may primitibong pamumuhay, kaya naman nagiging tampulan sila ng tukso, at maliit at mababa ang tingin sa kanila. Dapat nang mabura ang ganitong pananaw tungkol sa kanila.
Sa bisa ng Proclamation No. 1906 na nilagdaan ni dating Pangulong Arroyo noong 2009, ipinagdiriwang natin tuwing Oktubre ang National Indigenous Peoples Month. Layunin ng deklarasyong imulat tayo sa karapatan ng mga katutubo at panatilihing buháy ang mga tinatawag na indigenous cultural communities. Ngayong taon, gaganapin sa probinsya ng Capiz ang “Dayaw” o ang Philippine International Indigenous Peoples’ Festival, ang taunang pagsasama-sama ng mga katutubong mula sa mahigit 40 ethnolinguistic groups sa bansa. Sa tatlong araw na komperensyang iyon, itatanghal ang yaman ng kultura ng mga katutubo at tatalakayin ang mga isyung kinakaharap nila. Mahalaga ang pagdiriwang ng Indigenous Peoples Month upang makita at maunawaan natin ang natatanging ambag ng mahigit 14 na milyong katutubo sa ating kultura at kaunlaran.
Gayunman, sa kabila ng ganitong mga pagdiriwang at ng pagkakaroon natin ng Indigenous Peoples’ Rights Act na naisabatas noong 1997 upang itaguyod ang karapatan ng mga katutubo, marami pa rin sa kanila ang dumaranas ng pagsasantabi at pang-aabusong yumuyurak sa kanilang dignidad. Nariyan ang panghuhusga at diskriminasyon dahil sa kanilang itsura, paniniwala, at antas ng pamumuhay. Patuloy din ang militarisasyon sa kanilang mga komunidad bunsod na rin ng pagtugis ng pamahalaan sa mga rebeldeng grupo. Biktima rin ang mga katutubo ng malalaking korporasyong kumakamkam sa mga ancestral lands. Dahil naman sa pagkasira ng kalikasang pinagkukunan ng kanilang kabuhayan, marami sa mga katutubo ang kapos sa buhay at nakararanas ng gutom.
Mga Kapanalig, itinataguyod natin ang angking dignidad ng mga kababayan nating katutubo kapag kinikilala, iginagalang, at ipinagtatanggol natin ang kanilang mga karapatan sa lahat ng pagkakataon, hindi lamang sa Indigenous Peoples Month. Itinuturo sa atin ng Simbahan na, una sa lahat, ang mga katutubo ay katulad nating nilikhang kawangis ng Diyos. Iisa ang dignidad ng tao sa harap ng Diyos at sa harap ng kapwa-tao. Ito ang pinakamatibay na pundasyon kung bakit pantay-pantay ang lahat—katutubo man o hindi.
Dahil din sa kanilang angking dignidad, marapat na maging makatarungan tayo sa mga katutubo. At bahagi ng pagiging makatarungan sa kanila ay ang paggalang sa kanilang mga paniniwala at tradisyon, kaiba man ito sa mga nakagisnan natin. Ayon nga kay St. John Paul II, ang ating pagkakaiba-iba ay bahagi ng patuloy na paglikha ng Diyos at dapat natin itong igalang.Hindi special treatment ang kailangan ng mga katutubo dahil sa kung anuman ang nagpapaiba sa kanila sa karamihan. Ang kailangan nila ay pantay na karapatan sa pagkamit ng mabubuting bunga ng kaunlaran—gaya ng edukasyon, sapat na pagkain, malinis na tubig, serbisyong pangkalusugan, at katiyakan sa paninirahan. Mula sa lente ng pananampalatayang Kristiyano, magagawa nating maging makatarungan sa mga katutubo kung tunay ang pagsunod natin kay Hesus na bumuwag sa lahat ng pagkakaiba-iba ng tao nang ialay Niya ang kanyang buhay alang-alang sa kaligtasan ng lahat.
Mga Kapanalig, ang mga katutubo ang nagsisilbing bintana natin sa pinagmulan ng ating lahi, kaya’t hindi katanggap-tanggap na ituring natin silang mas mababa sa atin. Mali rin ang hindi maging makatarungan sa kanila sa pamamagitan ng pagkakait sa kanila ng kaunlarang tinatamasa ng iba. Alalahanin nating sa kabila ng mga pagkakaiba natin ay ang katotohanang nagmula tayong lahat sa pag-ibig ng Dakilang Maylikha, at ito ang dapat mag-udyok sa ating kilalanin ang mga katutubo bilang ating mga kapatid.
Sumainyo ang katotohanan.