290 total views
Mga Kapanalig, nakaranas tayo nitong mga nagdaang buwan ng pawang matitinding kalamidad. Ang sunud-sunod na mga lindol sa Mindanao
ay nakaapekto sa mahigit kalahating milyong tao at sumira sa maraming bahay at mga gusali. Ang magkasunod na mga bagyong Tisoy at Ursula bago matapos ang 2019 ay nakaapekto sa humigit-kumulang na apat na milyong tao. Ang pinakahuli nga ay ang naganap na pagsabog ng Bulkang Taal na nakaapekto sa kabuhayan at ari-arian ng tinatayang 30,000 pamilya. Kung bibilangin pa natin ang pagtaas ng kaso ng mga sakit ng dengue at tigdas noong nakaraang taon, at ang hanggang ngayo’y nararanasang krisis sa tubig sa Kamaynilaan, masasabi nating nasa palagiang estado ng kalamidad ang ating bansa.
Sa harap ng ganitong kalagayan, tila hindi na sapat na pareho pa rin ang laging magiging tugon natin, lalo na ng pamahalaan. Hindi na dapat “business as usual” kung saan tuwing may kalamidad, pinakikilos ang mga ahensya ng gobyerno upang magbigay ayuda sa mga nasalanta. Ang mga tao ay nagbabayanihan, nagpapaabot ng tulong ang mga pribadong mga kumpanya at mga indibidwal na may mabubuting loob, pati na rin ang Simbahan. Naglalabas ng calamity funds ang mga pamahalaang lokal. Subalit kapag nagsasabay-sabay at nagsusunud-sunod ang mga kalamidad, tulad ng nangyari nitong nakaraang taon hanggang sa ngayon, nagkukulang na rin ang mga tulong na nakakayanang maipaabot ng pamahalaan at ng mga pribadong tao, at hindi nakaaahon ang marami.
Isang bagong uri ng tugon at kaisipan ang hinihingi ng kasalukuyan nating sitwasyon. Hindi na sapat ang disaster preparedness lamang, o kahandaan sa pagtama ng kalamidad gaya ng paglilikas sa mga evacuation centers at pag-iimbak at “prepositioning” ng mga supply ng pagkain, tubig, at ibang mga pangangailangan. Hindi na rin sumasapat ang disaster response o ang kakayahang iligtas ang mga nasa panganib, or kaya ang relief o ang pagpapaabot ng dagliang tulong sa mga nangangailangan ng masisilungan, pagkain, damit, at gamot. Hindi na rin sapat ang rehabilitation, o ang panibagong pagtatayo ng mga bahay, gusali, at imprastrukturang nasira ng kalamidad.
Ngayong mas madalas nang nagaganap ang mga kalamidad dahil na rin sa climate change at sa lokasyon ng ating bansa, hindi kaya mas mainam na gawin ay tulungan natin ang mga tao, lalo na ang mga lantad sa mga panganib at mas hiráp makaahon, upang mas mabilis silang makabangon? Sa Ingles, tinatawag itong “resilience” o ang kakayahang makabangong muli matapos tamaan ng sakuna o kalamidad. Dahil higit na mahirap tulungan o sagipin lahat ng naapektuhan ng kalamidad, mas epektibong tulungan na ang mga nasa panganib at hindi kayang umahon habang hindi pa sila tinatamaan ng kalamidad.
Unang una na rito ang mga mahihirap dahil sila ay salat sa perang naiipon, walang mga ari-ariang maaaring gamitin para pagkakitaan, walang koneksyon sa mga serbisyo o mga tao at institusyong mapagkukunan ng ayuda. Samakatuwid, upang matulungan silang makabangon nang mas madali, ang unang dapat gawin ay ilapit sila o ibigay sa kanila ang mga bagay at serbisyong makatutulong sa kanilang madaling pagbangon. Sa ganitong paraan, pinagtitibay at kinikilala natin ang kanilang dignidad sapagkat nakakamit nila ang kakayahang tulungan ang kanilang sarili sa halip na umasa sa iba. Hindi sila tinitingnan bilang tagatanggap lamang ng kawanggawa. Sa ganitong paraan, maiiwasan natin ang sinabi ni Hesus sa Mateo 6:1-2 tungkol sa pagtulong na pakitang-tao, “sapagkat kung ganyan ang ginagawa ninyo, wala kayong matatanggap na gantimpala mula sa inyong Amang nasa langit.”
Mga Kapanalig, gaya ng ipinaaalala sa Catholic social teaching na Libertatis Conscientia, ang mga tao ay kailangang maging aktibo at mapagpanagot na kalahok sa buhay-panlipunan. Ganito rin dapat ang pagturing natin sa mga kapatid nating lantad sa mga panganib at kalamidad.