620 total views
Homiliya para sa Huwebes ng Karaniwang Panahon, 24 Nobyembre 2022, Lk 21:20-28
Marami na akong narinig na kuwentong nanay tungkol sa karanasan ng panganganak. Magandang marinig ng mga lalaki ang ganitong mga kuwento para mamulat kami tungkol sa pinagdaraanan ng mga babaeng nagbubuntis, lalo na kapag nakakaramdam na sila ng paghilab ng tiyan at malapit na silang manganak.
Minsan, noong buhay pa ang nanay ko, isa sa mga kapatid kong babae ang nagtanong sa nanay ko tungkol sa panganganak. Ipinagbubuntis kasi noon ng kapatid kong babae ang unang anak niya. Unti-unti yatang tumitindi ang kaba niya dahil araw-araw daw nakikita niyang palaki nang palaki ang batang dinadala niya sa tiyan niya. Siguro, dahil alam niya na labing-tatlo kaming magkakapatid na normal na isinilang ng nanay namin sa bahay sa tulong lang ng komadrona, tinanong niya ang nanay ko: “Ima, kakayanin ko pa kayang ilabas ang batang ito, e pagkalaki-laki na.” Sagot naman ni nanay, “Ay, alisin mo nga ang nerbyos mong iyan. Tandaan mo, kung marunong pumasok iyan, marunong ding lumabas iyan.”
Hindi nila alam nakikinig ako sa usapan nila. At ang pumasok sa imahinasyon ko ay hindi ang panig ng nanay na nanganganak kundi ang panig ng batang lumalabas. Dahil siguro alam kong bilang lalaki hindi ko naman talaga mararanasan ang pinag-uusapan nilang panganganak, nilagay ko ang sarili ko sa lugar ng batang isinisilang. Siguradong kung natakot ang nanay, di hamak na mas natakot ang sanggol dahil hindi naman niya naiintidihan ang nangyayari, at paglabas niya, hindi pa niya kayang ikuwento ang pinagdaanan niya. Natanong na ba ninyo sa sarili, kung ano kaya ang naramdaman ng sanggol noong ipanganak siya ng nanay niya?
Sabi ni Freddie Aguilar sa kanyang kantang ANAK, “Nang isilang ka sa mundong ito, laking tuwa ng magulang mo, at ang kamay nila ang iyong ilaw. At ang nanay at tatay mo di malaman ang gagawin, minamasdan pati pagtulog mo.”
Lalaki nga kasi ang nagsulat ng kanta kaya perspective din ng lalaki ang ine-express niya. Ang lalaking malapit nang maging ama na naghihintay sa labas, sabay na nasasabik sa tuwa at hindi alam ang gagawin, hindi mapakali. Pero ang nanay lang talaga ang makapaglalarawan mismo ng karanasan ng panganganak—ang magkahalong damdamin ng takot, pangamba at hinagpis habang sinasabayan ng pag-iri ang paghilab ng tiyan niya. Kung nakakatakot ang panganganak para sa ina, siguradong mas nakakatakot ito para sa bata. Nakatatak ang karanasang ito sa alaala natin. At sabi nila, parang umuulit ang experience na ito sa mga sandaling haharap tayo sa pagwawakas ng buhay dito sa mundo.
Parang ganito rin ang perspective ng ating binasa sa ebanghelyo tungkol sa pagdating ng wakas ng panahon. Dini-describe ni Hesus ang mga krisis na pagdaraanan daw muna ng sangkatauhan bago dumating ang katapusan ng mundo. Makakaranas daw ang tao ng “malaking kapighatian, pagkasindak, pagkalito at pagkayanig, na parang hihimatayin sa takot. Parang nangahuhulog daw ang mga bituin at ang buwan… At sa may bandang dulo ng pagbasa, sasabihin niya, “At makikitang dumarating ang Anak ng Tao mula sa alapaap.”
Para bang ang description ay ang nasisilip ng duktor o komadronang nagpapaanak kapag lumalabas na ang ulo ng bata. Sabi pa ng ebanghelyo, pagdating ng sandaling iyon, “iunat nang tuwid ang sarili, itaas ang ulo…” Siguro kinakausap din ng mga komadronang umaalalay sa bata habang lumalabas ito, “O anak, sige, iuna ang ulo, iunat ang katawan, ayan na lalabas ka na.”
Napakatraumatic siguro ng paglabas na iyon ng bata. Akala siguro niya katapusan na niya iyon. Iyun pala, nagsisimula pa lang ang buhay para sa kanya.
Si San Pablo ganito rin ang paglalarawan niya sa wakas ng panahon. Sabi niya sa Romans 8:19, “Ang sangnilikha ay sabik na naghihintay sa pagkakabunyag ng mga anak ng Diyos.” At sa v.22, sabi pa niya “Ang buong sangnilikha ay dumaranas ng paghilab tulad ng babaeng nanganganak.”
Noong isilang tayo sa mundo, para din tayong namatay sa dating buhay na alam natin, buhay sa sinapupunan. Kung lahat tayo ay dapat palang isilang na muli, ibig sabihin praktisado na tayo. Hindi pala natin dapat ikatakot ang hilab ng pagsilang. Ang hinaharap natin ay hindi wakas kundi bagong simula, hindi kamatayan kundi mas higit pang buhay mula sa pagiging mga anak ng tao tungo sa pagiging mga anak ng Diyos.