17,267 total views
Hiniling ni Antipolo Bishop Ruperto Santos sa mamamayan na sundin ang mga inaatas ng kinauukulang ahensya kaugnay sa nagpapatuloy na epekto ng bagyong Carina at Habagat.
Ayon sa obispo mahalaga ang pagsunod upang maiwasan ang anumang pinsala na maaring idulot ng mga pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng Luzon lalo na sa Metro Manila.
“Sa ating pag-iingat nararapat na tayo ay sumunod sa nakatataas higit na sa mga paalala at kautusan ng ating pamahalaan para tayo ay maging ligtas,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas. Dalangin ng obispo ang paggabay ng Panginoon para sa kaligtasan ng bawat isa sa mga sakunang kinakaharap.
Ayon kay Bishop Santos bukod tanging mga panalangin sa Diyos ang makapipigil sa mga kalamidad tulad ng mga pagbahang naranasan sa malaking bahagi ng Metro Manila.
“In moments of these natural calamities-excessive rains and floods-let us turn to God and cast our eyes afresh on Him. God has dominions over everything. He has authority, command, and control over all things created. Therefore, let us respond by putting our faith in God alone,” ani Bishop Santos.
Dalangin pa ni Bishop Santos ang habag at awa ng Panginoon para tuluyang humupa ang malawakang pag-ulan na nakapipinsala na sa mamamayan.
“Let us pray unceasingly and full of hope. Let us humbly beg our almighty God in His mercy and power to pacify the rain, drain the flood waters, and grant strength to us, His beloved people affected by this monsoon rains and flooding, make us safe and recover from this hardships,” dagdag ng obispo.
Inirekomenda na ng Department of Interior and Local Government o DILG kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isailalim na ang buong Metro Manila sa state of calamity upang magamit ng mga lokal na pamahalaan ang karagdagang pondo para sa calamity response at maipatupad ang price freeze sa mga pangunahing bilihin. Una nang naglaan ang pamahalaan ng 2.88-billion pesos na halaga ng tulong para sa mga maapektuhan ng Bagyong Carina sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Samantala binuksan na rin ang mga simbahan sa mga diyosesis sa Metro Manila para lingapin ang mga indibidwal na nangangailangan ng kanlungan dahil sa mga pagbaha.