243 total views
Ito ang mensahe ni Yangon Myanmar Archbishop Cardinal Charles Maung Bo, D.D, ang pangulo ng Federation of Asian Bishops’ Conferences sa pagdiriwang ng ikalimampung Anibersaryo ng Radio Veritas Asia at Veritas 846.
Ayon kay Cardinal Bo, ang himpilan ng Simbahang Katolika ay patuloy na naghahatid ng mga impormasyon sa kabila ng mga hamon at banta na kinakaharap.
“Radio Veritas is really carrying out the message of Christ, the Gospel and going through all inspite of the surroundings of all the bad news and fake news,” pahayag ni Cardinal Bo sa panayam ng Radio Veritas.
Inihayag ng Cardinal na magandang instrumento ang Radio Veritas Asia at Veritas 846 upang maabot ang mga mananampalataya na kulang ang kaalaman sa Simbahang Katolika at maging sa iba pang impormasyon.
Inihayag ni Cardinal Bo na bukod sa mga katuruan ng Simbahang Katolika ay nagbabahagi rin ang himpilan ng mga turo na makatutulong mahubog ang karunungan ng mga tagapakinig.
“Both RVA and Veritas 846 is a wonderful instrument because it is bearing good news, intellectual education, spiritual education, the news of the Church and also the teachings of the Church,” dagdag ni Cardinal Bo.
Iginiit ng Cardinal na mahalaga ang tungkulin ng ginagampanan ng Radio Veritas Asia at Radio Veritas846 sapagkat ito ay nagbubuklod sa bawat mamamayan hindi lamang sa Asya kundi maging sa buong mundo sa kabila ng pagkakaiba ng pananaw, pananampalataya at kultura.
50 YEARS AND BEYOND
Samantala, kapwa hinamon ng Kan’yang Kabanalan Francisco ang Radio Veritas Asia at Veritas 846 na higit pang abutin ang puso ng mga nakikinig, ihatid sa bawat mananampalataya ang pag-ibig ng Panginoon at ipakita ang pag-asang hatid ng Diyos.
Tiniyak naman ni Rev. Fr. Anton CT Pascual, ang Pangulo ng Veritas 846 na pag-ibayuhin ang paglilingkod sa mga Kapanalig upang higit pang mapalakas ang ebanghelisasyon lalo’t nalalapit na ang ikalimang dekada ng Katolisismo sa Pilipinas sa 2021.
Ayon kay Fr. Pascual, pinalalakas ng Kapanalig na himpilan ang mga programang makapagpayabong sa pananampalataya at magpapaunlad sa buhay lalo na ng mga dukha.
Pinasalamatan din ng Pari ang higit 50-libong kasapi ng Kapanalig Community sa patuloy na pagsuporta sa mga programa ng Veritas 846.