461 total views
Mga Kapanalig, gumagana raw ang sistemang pangkatarungan o justice system sa ating bansa.
Iyan ang dahilan kung bakit pinaninindigan ng ating gobyernong hindi makipagtulungan sa International Criminal Court (o ICC) sa imbestigasyon nito sa malawakang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng giyera kontra droga ng dating administrasyong Duterte. “Competent, capable and running” daw ang kasalukuyang sistemang pangkatarungan natin, minsang iginiit ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla. Kaya raw ng ating gobyernong gawaran ng katarungan ang mga kababayan nating biktima ng extrajudicial killings (o EJK) at panagutin ang mga sangkot sa mga ito. Maniniwala tayo sa mga sinambit na ito ni Secretary Remulla kung hindi lamang iisang kaso ng EJK ang naresolba; ito ay ang kaso ng pagpatay sa binatilyong si Kian Delos Santos.
Bago matapos ang buwan ng Hulyo, isang kontrobersyal na kaso ang naresolba, at sa itinakbo ng kasong ito, kukuwestiyunin talaga ang sinasabing gumagana ang sistemang pangkatarungan sa ating bansa.
Pinawalang-sala ng korte sa kasong illegal possession of firearms and explosives ang aktibistang si Reina Mae Nasino at dalawa pang kasamahan. Kung inyong matatandaan, kasama si Reina Mae sa mga hinuli ng mga pulis sa opisina ng grupong Bayan sa Tondo, Maynila noong Nobyembre 2019. Ni-raid ng mga pulis ang opisina bilang bahagi ng kampanya ng kapulisang lipulin ang mga itinuturing na kalaban ng gobyerno at sinasabing kasapi ng mga makakaliwang grupo. Pinabulaanan ng mga hinuli ang inaakusa sa kanilang mga kaso, at iginiit nilang itinanim ang mga ebidensyang sinasabing nasabat ng mga pulis.
Hindi alam ni Reina Mae na nagdadalantao siya noong siya ay hinuli at ikinulong. Ipinanganak niya ang kanyang munting anghel, na pinangalanan niyang River, habang nakakulong at sa kasagsagan ng pandemya. Matapos ang dalawang linggo, napilitan siyang ipaubaya sa kanyang ina ang sanggol. Salat sa kalinga ng ina at sa benepisyo ng pagpapasuso, naging mahina ang bata at kalaunan ay namatay dahil sa pneumonia. Tatlong taóng gulang na sana si Baby River noong Hulyo. Hindi pinahintulutan ng korte si Reina Mae na makita at makapiling ang kanyang anak. Kahit sa huling sandali, sa araw ng libing noong Oktubre 2020, tanging mga daliri lamang ng nakaposas niyang mga kamay ang nakadampi sa munting kabaong. Pinagkaitan si Reina Mae na maging ina sa kanyang anak.
Matapos makapagbayad ng bahagi ng tinatawag na surety bond noong Disyembre 2022, pansamantalang pinalaya si Reina Mae. Kasunod ito ng pagsasabi ng korteng mahina ang mga ebidensya laban sa kanya at kanyang mga kasamang inaresto. At kamakailan nga, tuluyan na siyang pinawalang-sala. Masayang balita ito para kay Reina Mae, ngunit sa kalbaryong pinagdaanan niya habang ipinaglalaban ang katotohanan at hinahanap ang katarungan, may kapaitan ang tagumpay na ito. Ito ba ang patunay na gumagana ang sistemang pangkatarungan sa ating bansa?
Nakukulong at nagdurusa sa piitan ang mga mahihirap at karaniwang mamamayan katulad ni Reina Mae habang ang mga makapangyarihan at maimpluwensyang napatunayan nang nagkasala sa batas ay malaya. Kung kaanak ng mga nasa poder ang nahuling gumagawa ng krimen, hindi na dumadaan ang kanilang kaso sa korte. Kung malalaking tao ang sangkot sa katiwalian, hindi sila kailanman nakahahawak ng rehas. Anong sistemang pangkatarungan ito?
Mga Kapanalig, ang katarungan, bilang isang prinsipyo ng panlipunang turo ng Simbahan, ay dapat nakatuon sa kabutihang panlahat o common good. Samakatuwid, bulag ito sa katayuan sa buhay ng mga nais nating papanagutin sa kanilang pagkakamali, ngunit nakabatay pa rin dapat ito sa katotohanan. Malaking tanong kung tunay nga bang gumagana ang ating justice system dahil gaya nga ng paalala sa Mga Kawikaan 28:5, “Hindi alam ng masama kung ano ang katarungan.”
Sumainyo ang katotohanan.