517 total views
Mga Kapanalig, isang video na pinamagatang “Virgin Marie” ang lumabas kamakailan sa YouTube. Ipinakikita roon ang isang batang babaeng umiiyak habang nagbibigay ng salaysay sa naranasan niyang sekswal na pang-aabuso. Sa simula ng video, sinasabing hindi raw nagsisinungaling ang mga bata. Sa dulo ng video, malalaman ng mga manonood na dinidiktahan pala siya ng isang abugado upang magbigay ng maling salaysay. Matatapos ang video na sinasabing nagsisinungaling ang mga bata. Nakababahala ang mensahe ng video dahil, una sa lahat, ibinunton ang sisi sa bata sa halip na sa matandang pinilit siyang magsinungaling.
Ginagawa rin nitong maliit na isyu ang sekswal na pang-aabuso sa mga bata. Ayon sa pag-aaral ng Council for the Welfare and Children at UNICEF noong 2016, tatlo lamang sa bawat sampung batang Pilipino inabuso ang humingi ng tulong mula sa kanilang pamilya o ahensya ng pamahalaan. Hindi nila ipinaaalam sa iba na inabuso o pinagsamantalahan sila dahil sa takot na mahusgahan, kahit ng kanilang pamilya, at dahil sa pangambang walang maniniwala sa kanilang sasabihin. At dahil pinipili nilang manahimik, hindi na sila nabibigyan ng katarungan.
Kinikilala mismo ng Korte Suprema ang kakayanan ng mga batang magbigay ng kapani-paniwalang salaylay sa isang pagdinig, ngunit paano pa sila maglalakas-loob na magsumbong at sabihin ang totoo kung may mga taong hinuhusgahan na silang nagpapanggap lamang sa kabila ng matinding pinagdaanan? Sa halip na tumulong na palakasin ang loob ng mga batang biktima at suportahan sila upang magsalita sila at ipaglaban ang kanilang karapatan, ipininta ng gumawa ng video ang mga bata sa maling paraan.
Mistulang pagkutya rin ang video sa ilang dekadang pagsusumikap ng mga grupong kumilos upang magkaroon tayo ng mga batas na mangangalaga sa karapatan ng mga biktima ng sekswal na pang-aabuso. Malinaw sa video ang maling pag-unawa sa isyu ng sekswal na pang-aabuso. Bahagi ang ganitong uri ng video ng tinatawag nating “rape culture” kung saan isinisisi sa mga biktima ang sekswal na karahasang ginawa sa kanila.
Mga Kapanalig, itinuturing nating mga Kristyano ang sekswal na pang-aabuso, lalo na ang panggagahasa o rape, bilang napakatinding kasamaan. Nag-iiwan ito ng malalim na sugat sa pagkatao at dangal ng mga biktima. Binubura ng rape sa mga biktima ang kanilang respeto sa sarili, kalayaan, at integridad—mga bagay na hindi dapat mawala sa sinuman. Kaya’t hindi dapat palampasin ang isang video na minamaliit ang isyung ito.
Ayon sa Save the Children, isang organisasyong nagtataguyod ng mga karapatang pambata, maraming maaaring gawin upang tuldukan ang sekswal na karahasang bumibiktima sa mga bata. Isa sa mga ito ang pagkakaroon ng patakarang itinataas ang edad ng pagtukoy ng statutory rape mula sa 12 taóng gulang. Para sa Child Rights Network, isang koalisyong nagtataguyod ng karapatang pambata, dapat itaas ang edad ng pagtukoy ng statutory rape dahil wala pang sapat na kakayanang magpasyang makipagtalik ang isang labindalawang taóng gulang na bata. Hindi pa rin handa ang kanilang pisikal na pangangatawan para gawin ang bagay na iyon. Malaki rin ang pangangailangang pahusayin ang sistemang pangkatarungan upang hindi natatakot ang mga babae, lalo na ang mga bata, na dumulog sa kinauukulan at humingi ng tulong kapag nabibiktima sila ng karahasang sekswal.
Ngunit, mga Kapanalig, higit sa pagkakaroon ng mga patakaran at pagsasaayos sa ating sistemang pangkatarungan, kailangan nating magsumikap na burahin ang Rape Culture sa ating lipunan. Tawagin natin ang pansin ng mga taong ginagawang biro o maliit na bagay ang Rape, gaya ng ginawa ng lumikha ng kontrobesyal na video. Palakasin natin ang loob ng mga biktimang magsalita sa halip na sisihin sila sa krimeng ginawa sa kanila. Huwag tayong manahimik kapag may nalalaman tayong kaso ng pang-aabuso.
Sumainyo ang katotohanan.