192 total views
Hindi dapat hayaan ng taumbayan na manalo ang kasamaan sa pamamagitan ng pagpapadala sa takot at banta ng mga may masasamang intensyon laban sa bayan.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, hindi dapat bumitaw ang sambayanan sa pag-asang hatid ng Panginoon sa bawat isa.
Giit ng Obispo, hindi dapat na panghinaan at mawalan ng pag-asa ang mga mamamayan sa gitna ng mga kaguluhan at kasalukuyang banta sa kapayapaan at kaayusan sa bayan.
Pagbabahagi pa ni Bishop Pabillo, ang Eukaristiya ang paalala at sagisag ng patuloy na pag-aalay ng Panginoon ng kanyang buhay para sa kaligtasan at kapakanan ng sangkatauhan.
“Kaya nga huwag tayong ma-discourage, huwag tayong maniwala na dahil sa kaguluhan mananalo ang kasamaan naalala niyo ang sinabi ni Hesus na hindi tayo pababayaan at ganun din sa ating pagtatanggap ng banal na kumunyon ipagdasal natin ang kapayapaan at si Hesus na nagbigay ng kanyang sarili ay hindi rin ipagkakait sa atin ang kapayapaang hinahangad natin kapag ito’y sinisikap natin gawin at sinisikap nating tanggapin…”pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito nauna nang umapela sa publiko ang Malacañang at ang Armed Forces of the Philippines para sa pansamantalang pagsasantabi ng usaping pampulitika at pagkakaisa laban sa terorismo na isang malaking banta para sa buong bansa.
Gayunpaman bukod sa kalagayan ng mga apektadong residente ay patuloy rin na panalangin ng Catholic Bishops Conference of the Philippines para sa kaligtasan at kalayaan ng lahat ng mga binihag ng teroristang grupo kabilang na si Fr. Chito Suganob na siyang Vicar General ng Prelatura ng Marawi na dinukot matapos lusubin ang Bishops’ residence sa Marawi City.
Unang hinikayat ni CBCP-NASSA/Caritas Philippines chairman Nueva Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona ang taumbayan na huwag magpatakot sa terorismo.
Read: http://www.veritas846.ph/huwag-magpatakot-sa-terorismo/