819 total views
Hindi iniindorso ng Santo Papa Francisco ang same sex-marraige.
Ito ang paglilinaw ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa naging kontrobersyal na mga pahayag ng Kanyang Kabanalan Francisco sa isang panayam kamakailan.
Ayon sa Obispo, hindi isinusulong ng Santo Papa ang same sex marriage sa halip ay nananawagan ito ng isang law of civil union na magbibigay proteksyon sa dignidad bilang tao ng mga homosexuals at makatitiyak sa kanilang mapayapang pamumuhay sa lipunan.
“It is not an endorsement of same sex marriage what he [Pope Francis] asks to be created is a law of civil union which will protect the dignity of even homosexuals, that’s the shortest summary what he is asking for is a law of civil union which will protect the dignity of homosexual also and allow them to live in society in peace.” pahayag ni Bishop Bacani sa panayam sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang tanging nais na mangyari ng Santo Papa ay patuloy na mahalin at bigyang ng proteksyon ang mga homosexual na pawang mga anak rin ng Panginoon.
Ibinahagi ni Bishop Bacani na tulad ng mga nagkakamali ay hindi dapat na itaboy o saktan ang sinuman sa halip ay dapat na bigyang halaga ang mga karapatan at dignidad.
“Ang gusto ng Papa [Pope Francis] na yung mga nagkakamali ay mahalin pa din natin, kahit homosexual sabi nga anak ng Diyos yan mahalin niyo, huwag niyong itataboy at kinakailangan merong law of civil union para hindi sila saktan o isantabi ang karapatan nila o yung kanilang pagkatao ng mga ibang tao…” Dagdag pa ni Bishop Bacani.
Iginit ng Obispo na pahayag ng Santo Papa sa isang panayam ay hindi dapat na ituring na opisyal na turo ng Simbahan Katolika.
Inihalimbawa ni Bishop Bacani na nasasaad sa post-synodal apostolic exhortation ni Pope Francis na Amoris Laetitia o The Joy of Love na inilathala noong Marso taong 2016, ang malinaw na pagkakaiba ng same sex union at ng same sex marriage.
“Ang sinabi ni Pope Francis ay hindi statement of Catholic teaching. Ang napakahalaga na ang Papa [Pope Francis] sa kanyang ibang documents katulad ng Laetitia Amoris official yan, official teaching ng Papa Pastoral Exhortation Laetitia Amoris, sinabi ng Papa hindi mo puwedeng pagparehohin o paghalintuladan man lamang kahit papaano ang Same Sex Union sa Same Sex Marriage ibang iba yan…” Paglilinaw pa ni Bishop Bacani.
Nanawagan rin ang Obispo na basahin ng bawat isa ang naturang apostolic exhortation ni Pope Francis na Amoris Laetitia na naglalaman ng opisyal na turo ng Simbahang Katolika at ng mga tinipong katuruan ng Synod of Bishops kaugnay sa kahalagahan at kasagraduhan ng kasal at pagpapamilya.
“Hindi ini-endorso ng Papa ang same sex marriage definitely not at basahin ang Amoris Laetitia number 52, number 250 at number 251 ito hindi interview, official document ni Pope Francis nagsasaad ng katuruan ng Simbahan at turo ni Pope Francis yun din ang turo ng Synod of Bishops na kanyang tinipon mga about 5 years ago tinipon niya ito” Ani Bishop Bacani.
Nilinaw din ng Obispo na ang pagsusulong ng Santo Papa ng law of civil union bilang pagbibigay proteksyon sa kapakanan ng mga homosexual ay hindi nangangahulugan ng pagsuporta o pagsang-ayun ng Santo Papa Francisco sa pagkakaroon ng homosexual relationship.
Naunang nanindigan ang mga opisyal ng Simbahang Katolika na “taken out of context” lamang ang mga pahayag ni Pope Francis.
Read: https://www.veritas846.ph/pahayag-ni-pope-francis-sa-same-sex-union-taken-out-of-context/